Mabilis na online application sa health clearance certificate
Noong Huwebes, Pebrero 16, inilunsad namin ang online application para sa health clearance certificate ng mga empleyado ng pribadong sektor sa Makati.
Ang digitized health clearance system ay magpapabilis at magpapadali ng proseso ng pagkuha ng health clearance certificate mula sa Makati Health Department at maiiwasan ang mga fixer sa City Hall.
Hindi na rin maaabala ang mga empleyado sa kanilang trabaho para kumuha ng health certificate bawat taon. Imbes na pupunta pa sa City Hall at pipila, puwede nang gawin lahat online maliban na lang sa laboratory exam. Maging ang pagkuha ng resulta ay pinadali rin, dahil sa email na lamang ito ipadadala.
Parte na ng buhay ng bawat empleyado sa Makati ang pagkuha ng health clearance certificate. Ang dokumentong ito ay nagpapatunay na ang isang manggagawa ay physically fit at walang nakakahawang sakit. Ito ay isa rin sa mga requirement upang makakuha ng mayor’s permit ang isang indibidwal. Ang health clearance certificate ay valid hanggang sa katapusan ng taon at dapat na i-renew tuwing Enero.
Ayon sa City Ordinance 2019-A-102, ang mga non-food-related establishment workers ay kailangan lamang magbayad ng P80 para sa health clearance certificate, P100 para sa food-related establishment workers, at P150 para sa executives, managers, at supervisors. Kailangan ding magbayad ng P50 para sa pagproseso ng kanilang mga dokumento at sa seminar.
Ang mga empleyadong walang health clearance certificate ay papatawan ng P1,000 na multa para sa unang paglabag, P2,000 para sa ikalawang paglabag, at P3,000 para sa ikatlong paglabag. Ang may-ari ng establisimento o employer ang magbabayad ng multa.
Bago magamit ang online health certificate application ay kailangan munang mag-register ang inyong kompanya sa aming system. Tumawag sa 0917-6885906/09176885911 o mag-email sa [email protected] para sa anumang katanungan.
Para sa mga empleyado naman, mag-log-in lamang sa https://makati.healthcert.ph at sumailalim sa chest X-ray, stool exam sa mga accredited diagnostic clinic o laboratory. Hintayin ang approval ng Makati Health Department.
Pagkatapos nito, kailangang sumailalim sa online seminar para sa inyong account. Mayroong maikling eksam pagkatapos ng seminar at kailangang maipasa ito.
Sa pagbabayad naman ay puwedeng gamitin ang online payment channels tulad ng GCash at Maya o pumunta sa Makati City Hall Building 2 para sa cash payment.
Matapos ang ilang araw, matatanggap ng mga aplikante ang health clearance certificate sa kanilang email. O di ba, ganun na kadali!
Sa bagong system na ito, wala nang dahilan para hindi mag-renew ng inyong health clearance certificate dahil super dali na lang at bilis makuha. Hindi na rin kayo maha-hassle ng fixer na naniningil ng sobra-sobra para diumano ay wala nang personal appearance at laboratory exam.
Uulitin ko po, mahigpit na ipinagbabawal ang makipag transaksiyon sa mga fixer sa loob o labas ng City Hall.
Dito na lang kayo sa convenient, mabilis, at siguradong paraan ng pagkuha ng online health clearance certificate. Sa mga businesses at kompanya sa Makati, register na!
- Latest