Ayaw ng pulitika magka-vacuum. Kapag may nawalang pulitiko, tiyak may papalit agad sa kanya. ‘Yan ang agham ng pulitika.
Akala ng super-mayorya sa kongreso na dahil mahina ang minorya ay kaya na nitong ipilit ang mga panukalang batas. Hindi nito inakala na may papalit pala sa vacuum ng dadalawang minorya sa 24 senador at lilimang minorya sa 312 kongresista. Ang pumalit ay mga prominenteng bahagi ng lipunan.
Nakita ito sa panukalang Maharlika Investment Fund. Inobliga nina Speaker Martin Romualdez at Deputy Speaker Sandro Marcos, pinsang buo at anak ni President Bongbong Marcos Jr., na ipasok ang pera ng SSS at GSIS sa MIF. Ii-invest daw sa abroad ang bilyon-bilyong pisong pera ng mga empleyado. Unang pumalag ang mga kolumnista at komentarista sa media. Sumali ang mga dating matitinong hepe ng dalawang Mutual Provident Funds. Pinaalala nila kina Romualdez at Marcos na pribadong kontribusyon ng mga miyembro ang SSS at GSIS, kaya hindi puwedeng basta galawin ng gobyerno.
Nagmatigas ang mga kampon nila Romualdez at Marcos sa super-mayorya. Kesyo pumayag naman daw ang mga kasalukuyang hepe ng SSS at GSIS. Kesyo tiyak na kikita raw ang investment. Kesyo matitinong investment managers daw ang ipupuwesto sa MIF.
Biglang dumami ang kontra. Umalma ang mga aktibista sa kalye, executives sa boardrooms, mga ekonomista, propesor, artista at karaniwang tao. Sila ang kumatawan sa 40.49 milyong kasapi ng SSS at 2.53 milyon ng GSIS. Napuno ang vacuum sa pulitika.
Dinurog isa-isa ng mga kontra ang argumento nina Romualdez-Marcos. Nilahad ang mga desisyon ng Korte Suprema pabor sa SSS at GSIS. Napaatras ng taong bayan ang super-mayorya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).