Mula 2016 hanggang 2019, umabot na sa 196 overseas Pinoy workers ang namatay sa Kuwait at karamihan sa kanila ay domestic helpers. Karumal-dumal ang dahilan ng kanilang kamatayan. Karamihan sa kanila, pinatay ng amo. At ang kagimbal-gimbal, pinatay sila matapos gahasain.
Gaya ng nangyari kay Jullebee Ranara, na matapos gahasain ay pinatay at saka sinunog ang katawan. Natagpuan ang sunog na bangkay ni Ranara sa isang disyerto sa Kuwait. Kahapon, ayon sa TV report, umamin na ang 17-anyos na anak ng employer ni Ranara na siya ang gumahasa at pumatay sa 35-anyos na OFW. Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), naaresto na ang suspek at inihahanda na ang pagsasampa ng kaso rito. Nakahanda na rin umano ang tulong ng pamahalaan sa pamilya ni Ranara.
Nadagdag na ang pangalan ni Ranara sa listahan ng mga kawawang OFW na pinatay sa Kuwait. Noong 2018, pinatay ang Pinay domestic worker na si Joanna Demafelis ng kanyang mga among Lebanese. Makaraang patayin, isinilid ang katawan nito sa freezer. Ang pagpatay ang naging dahilan para ipatigil ni President Duterte ang pagpapadala ng domestic helper sa Kuwait. Nahatulan na ang mga amo ni Demafelis na sina Mouna Ali Hassoun, isang Syrian at asawang si Nader Esam Assaf, isang Lebanese. Kamatayan ang hatol sa kanila.
Noong Mayo 2019, pinatay ang domestic worker na si Constancia Dayag, 47, ng kanyang amo. Kahindik-hindik ang nangyari kay Dayag sapagkat grabeng bugbog ang inabot ng kawawang Pinay mula sa kanyang mga amo. Patay na ito nang dalhin sa ospital. Hinihinalang ginahasa si Dayag. Sinampahan ng kasong murder ang amo lalaki ni Dayag.
Disyembre 2019, pinatay si Jeanelyn Villavende ng kanyang babaing employer dahil sa pagseselos. Naaresto at nahatulan ng kamatayan ang among babae ni Jeanelyn.
Noong 2019, nangako ang Kuwait government na puprotektahan ang Pinoy contract workers. Lumagda sila sa isang kasunduan. Inalis ang deployment ban sa nasabing bansa.
Malinaw na nasunod ang memorandum of understanding ng Pilipinas at Kuwait na naglalayong maprotektahan ang mga Pilipino workers doon. Nawalan ng saysay ang paglagda ng Kuwait sapagkat mayroon na namang Pilipinang ginahasa at pinatay.
Nararapat pag-aralan kung ititigil muli ang pagpapadala ng OFW sa Kuwait. Kung hindi gagawa ng hakbang madaragdagan ang pinatay na Pinay sa nasabing bansa.