Mass resignation ng Shopee Express delivery riders

NAGLABASAN at dinagsa ang BITAG ng mga reklamo laban sa Placer 8 Logistics Express matapos naming maipalabas ang sumbong ng halos dalawang dosenang riders mula sa Taguig.

Bagama’t nabayaran na ang mga nagrereklamong Sho­pee express delivery riders na lumapit sa BITAG, hindi pa rin natatapos ang problema. Sunud-sunod na nagsulputan sa aming tanggapan ang grupo-grupong delivery riders mula sa iba’t ibang hub sa Pilipinas na hawak ng Placer 8.

Walang pinag-iba sa kanilang mga sumbong. Kapareho­ noong mga unang nagrereklamo na hindi rin bina­bayaran ang kanilang mga sahod, incentives at maging mandatories­.

For the record, sinubukang kausapin ng BITAG ang representante ng Placer 8 na sumipot sa tanggapan ng Depart­ment of Labor and Employment (DOLE) Las Piñas Office noong araw ng bayaran. Tumanggi ang mga ito na magpa-on cam o magpa-interview ng may camera o live sa amin. Pero may sinabi ito sa aming investigator na kanyang kausap noong mga oras na ‘yun.

Hindi raw totoo ang sinabi ng Shopee management sa kanilang statement na pinalabas sa media. Ang tanong, alin ba statement ang hindi totoo? Kulang na lang sabihin ng Placer 8 na sinungaling ang Shopee.

Isa umano sa mga problemang pinaplantsa ng inirerekla­mong agency ngayon ay ang mass resignation na isinagawa umano ng kanilang mga riders. Paanong hindi magre-resign ang mga pobreng driver, kung walang sinasahod —anong ipapakain nila sa kanilang pamilya?

Maghapon na ngang nasa kalsada, kung minsan ay napapagbuntunan pa sila ng galit ng mga kostumer. Kung hindi minumura ay nasasaktan pa.

Nakakaawa ang hinaing ng mga riders nang makausap sila ng BITAG. Matagal na sila nagtitiis para sa kanilang pamilya, subalit ngayon lang nabigyan ng pagkakataong marinig ang kanilang mga pagdurusa.

Sinadya o hindi man ang dahilan ng problema, kapabayaan o tangkang pang-aabuso man, ang laging kawawa sa ganitong mga sitwasyon ay ang mga empleyado sa baba na nagtatrabaho para sa kompanya.

Ano kayang susunod na hakbang ng Shopee sa mass resignation na ito ng mga riders? Baka kailangan ng rebyuhin ang kontrata ng inyong mga accredited manpower o service agencies.

Shopee, paano na? Sigurado, nagpipista ngayon ang Lazada!

Show comments