NARITO ang mga mahahalagang payo para maging malinaw ang mga mata.
1. Kumain nang maraming gulay at prutas lalo na ang mga berdeng talbos ng gulay dahil mayaman ito sa anti-oxidants, vitamin A, C, E. Subukan ang carrots, kahel, kangkong, kamatis, kamote, manga at melon.
2. Kumain ng isda na mayaman sa omega-3 fatty acids tulad ng tamban, tawilis, dilis, hito, hipon, salmon, alumahan, tuna, tambakol, tanigi, tulingan at salinyasi.
3. Magsuot ng sunglasses para masala ang ultraviolet A at B rays.
4. Sa pagtatrabaho magsuot ng eye protection glasses kung may gagawin na delikado sa mata.
5. Huwag manigarilyo.
6. Ipagamot ang mga sakit tulad ng high blood, diabetes at alamin ang sakit sa pamilya.
7. Magpa-check-up ng mata. Kung edad 40 pataas, kailangan kada 2-4 taon, sa edad 60 pataas kada 1-2 taon.
Tips sa mga may-edad na malabo ang mata:
1. Liwanagan ang mga ilaw sa bahay para hindi madapa.
2. Lakihan ang sulat sa mga gamit at telepono.
3. Lagyan ng mga colored tapes sa hagdan para hindi mahulog.
4. Kailangan ang saksakan o electrical outlet at switches ay nakikita mabuti.
5. Uminom ng tamang dami ng tubig para maiwasan ang dry eyes.
***
Mga benepisyo ng kulay ube at asul na pagkain
Ang mga prutas at gulay na kulay ube (purple) at asul (blue) ay kadalasang mabuti sa puso, tiyan at nagpapalakas din ng katawan. Ang mga pagkaing ito ay may sangkap na “anthocyanins” at iba pang anti-oxidants tulad ng lutein, resveratrol, vitamin C, flavonoids, ellagic acid at quercetin. Dahil dito, masustansya ang mga pagkaing may ganitong kulay tulad ng asul na ubas at talong.
1. Asul na ubas—Ang ubas na kulay asul ay may taglay na flavonoids, quercetin, at resveratol (nasa balat ng ubas). Ayon sa pagsusuri, ang ubas ay nagpapataas ng ating good cholesterol. Pinipigilan nito ang pag-buo-buo ng platelets sa dugo para hindi magbara ang ugat. Ayon sa mga eksperto, mas masustansya ang asul, pula at itim na ubas kumpara sa berdeng ubas. Ang ubas ay napag-alaman ding may panlaban sa virus at bacteria. Para sa maysakit, mainam silang pakainin ng ubas dahil pinapalakas nito ang immune system ng katawan at bibilis ang kanilang paggaling. Huwag lang kumain ng sobrang daming ubas at ito’y nakatataba din. Sa bawat kainan ay mga 12 pirasong ubas lang ang nirerekomendang kainin.
2. Talong—Ang talong ay may taglay na carbohydrates, potassium, calcium, vitamin B at vitamin C. Ayon sa pag-aaral, ang talong ay mayaman sa phytochemicals na makatutulong sa pag-iwas sa kanser. Mayroon ding sangkap na diuretic o pampaihi ang talong na makabubuti sa mga pasyenteng may bato sa bato (kidney stones) at high blood pressure. Makatutulong din ang talong sa pagtunaw ng ating kinakain. Isang paalala lamang. Kailangan ay hinog ang talong at lutuin ito maigi bago kainin. Dahil kung hindi ay baka sumakit ang iyong tiyan.
3. Ube—Ang ube ay may carbohydrate at fiber na puwedeng kainin ng mga may diabetes at sakit sa puso. Mataas ito sa vitamin C at vitamin B na mahusay sa ating balat at dugo. Mayaman ito sa potassium, copper at manganese na kailangan ng ating katawan.
4. Ang iba pang masustansyang kulay asul na prutas at gulay ay ang prunes, blueberries at kulay ube na repolyo.