Italyano naging Santo: naghimala sa Batangas
KUWENTO ito ni Salesian Father Donnie Duchin Duya ng Don Bosco, Philippines nu’ng Oct. 9 nang e-cannonize ni Pope Francis na Santo si Italian pharmacist Blessed Artémide Zatti. Namatay siya nu’ng 1951 pero nagmilagro sa Batangas nu’ng 2016. Ginagawang Santo ang Blessed kapag may nagawang himala. Isinatagalog ko ito para maikalat.
Na-stroke si Renato Narvaez, 64, Aug. 11, 2016. Sa ospital 240/150 ang blood pressure at hindi na maalala ang sariling pamilya. Nang mag-comatose siya sa dami ng blood clot sa utak, hindi madisesyunan ng pamilya kung magastos siyang paooperahan sa bungo. Tumawag ang isang anak sa kapatid ni Renato sa Rome, si Salesian Brother Obet Narvaez. Pumayag siya na huwag nang operahan si Renato. Binilinan ang pamilya na magdasal kay Blessed Zatti at dikitan ng retrato nito sa kamay ng pasyente. Agad umuwi sa Pilipinas si Bro. Obet, dala ang barong tagalog para sa tiyak na burol ng kapatid.
Diretso sa ospital si Bro. Obet, Aug. 21. Pumirma ng waiver para iuwi si Renato. Hindi na nila binili ang prescribed medicines. Pag-uwi ng 8:00 p.m. naghanda na sila sa pagpanaw. Bumili na nga ng memorial lot ang isang anak. Naglinis sila ng bahay. Niluwagan ang pintuan para magkasya ang ataul sa burol. Alas-onse pina-extreme unction sa pari si Renato. Sinamahan ni Ka Obet ang kapatid at magdamag nagdasal.
Kinaumagahan alas-4, biglang bumangon si Renato. Humingi ng pagkain. Nagkuwento parang hindi galing sa coma. Inalalayan ng misis sa kubeta para umihi. Lumabas at naglakad nang sarili si Renato.
Umepekto ang dasal kay Blessed Zatti. Naalala ni Bro. Obet na nu’ng Nov. 15, 2015, nang bumisita sa nitso ni Zatti sa Rome, hinamon niya itong maghimala para maging Santo. Nagkatotoo nga. Maraming saksi. Anim na taong inimbestigahan ng Vatican. St. Zatti, pray for us.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest