Namamaos ka ba? Natural lang ba ito? O baka senyales na ito ng isang malubhang sakit.
Narito ang mga dahilan ng pamamaos.
Ang pamamaos ay pangkaraniwan sa mga guro, mang-aawit at tagapagbalita. Kung masyadong malakas ang iyong pakikipag-usap, maaari mong mai-stress ang iyong tinig at vocal cords. Magpahinga ng isang araw o dalawa ng boses at gagaling na ito.
Ngunit kung ang pamamaos ay higit sa dalawang linggo, kailangan mong mag-patingin sa espesyalista na ear, nose, at throat doctor (ENT). Sa mga bihirang kaso, ang pamamaos ay maaaring sanhi ng cancer ng larynx.
Sa katunayan, ang pamamaos ay maaari ring sanhi ng seryosong sakit tulad ng aortic aneurysm, paglaki ng puso, at tumor sa baga. Ito ay dahil ang kaliwang laryngeal nerve na kumokontrol sa vocal cord ay nagmumula sa dibdib at umiikot sa ilalim ng aorta o pinaka-malaking ugat. Pag naipit ang laryngeal nerve sa paglaki ng puso o kung may tumor, namamaos ang tao.
Samakatuwid, ang mga problema sa bahagi ng dibdib at puso ay maaaring maipit ng kaliwang laryngeal nerve na nagdudulot ng pamamaos.
Walang masama kung babantayan ang iyong mga nararamdaman upang makaiwas at maagapan ang anumang simpleng sakit upang hindi na mauwi sa malalang sakit.
***
Pananakit ng Leeg
Ang pananakit ng leeg ay posibleng may kaugnayan sa muscle, nerve at cervical vertebrae. Sa kabutihang palad, maraming dahilan ng pananakit ng leeg ay hindi naman seryoso at maaaring magamot.
Mga dahilan:
1. Hindi maayos na pagtayo at pag-upo—Ang hindi maayos na pagkakaupo habang nasa harapan ng computer o ang pagkakabaluktot habang nasa harapan ng iyong ginagawang trabaho, at maling posture ay maaaring makapagpangalay ng muscle.
2. Pangangalay ng muscle—Sobrang paggamit gaya ng pag-ikot ng ulo, ay maaaring makapagpangalay sa muscle, gayundin ang pagkiskis ng ngipin.
3. Pag-edad ng joints—Ang leeg ay nakararanas ng pagkapagod lalo na kung nagkakaedad na nagiging dahilan para magkaroon ng osteoarthritis.
4. Pagkaipit ng ugat o nerve—Ito ay nangyayari sa puwang sa may palibot ng neck vertebrae o buto sa leeg. Puwede dahil sa arthritis o sobrang paninigas ng muscle dulot ng stress.
5. Pagkapinsala—Ang pagkaka-pinsala sa whiplash, kung ang leeg ay pinatutunog ng paulit-ulit, nababanat ang leeg sa maling galaw.
6. Sakit—Ang pananakit ng leeg ay maaaring sintomas ng sakit gaya ng rheumatoid arthritis o meningitis.