Aun-taon nakikiisa ang Quezon City sa buong mundo sa paggunita ng taunang World Aids Day (WAD). Sa araw na ito, nagbabalik-tanaw ang pamahalaang lungsod, kasama ang ally groups at ibang stakeholders, sa mga napagtagumpayan sa mga nakalipas na taon at sinusuri kung ano pa ang mga natitirang hamon na dapat bigyang solusyon.
Ginugunita rin sa araw na ito ang mga mahal sa buhay, kaanak at mga kaibigang nawala sa atin dahil sa sakit na Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS).
Ayon sa tala ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU) mula Enero hanggang Setyembre 2022, umabot sa 688 na indibidwal ang bagong nagpositibo sa Human Immunodeficiency Virus (HIV), na kung hindi maaagapan ay maaaring humantong sa AIDS.
Bagamat mas mababa ito kumpara sa 748 na bagong kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2021, nakakabahala naman ang patuloy na pagtaas ng kaso sa mga edad 15-34.
Ayon pa sa QCESU, 544 o 78% ng kabuuang kaso ngayong taon ay mula sa nasabing age group. Ibig sabihin, bumabata ang mga naaapektuhan nito kabilang ang mga nasa junior high school.
Kaya naman, patuloy nating pinalalakas ang kampanya laban sa HIV/AIDS sa Quezon City. Ilulunsad natin sa Biyernes (December 9) ang “Bahagi ka ng Solusyon: Prevent. Detect. Treat HIV,” ang bagong kampanya ng lungsod para maabot ang Zero at 2030.
Sa buong Disyembre, magkakaroon din ng iba’t ibang activities gaya ng libreng HIV testing sa lahat ng Social Hygiene at Sundown Clinics sa lungsod.
Kasabay nito ang paglulunsad ng bagong website na maglalaman ng lahat ng datos ng HIV/AIDS sa Quezon City, booking appointment para sa libreng HIV testing at counselling, at pati na rin Information, Education, and Communication (IEC) Materials na pwedeng i-download ng lahat. Para sa kumpletong impormasyon bisitahin ang www.zeroat2030.quezoncity.gov.ph
Hinihikayat ko ang lahat na makiisa at maging bahagi ng solusyon para tuluyan nating masugpo ang HIV/AIDS sa Quezon City!