Bayani o alay?
Bakit daw ‘yung ibang mamamahayag tulad naming Tulfo Brothers, ang dami-daming bodyguards. May dala pang matataas na kalibre ng baril.
Kung [sila] papipiliin, mas matapang daw ‘yung walang kasamang mga bantay o dalang baril. Ito raw ang tunay na hindi takot sa kalaban.
Ang sagot ko rito, hindi ako superhero na parang si Ironman o si Superman na sasalagin lang ang bala ng aking mga kamay.
Ayokong maging dakilang “bayaning-alay” para sa mga halang ang bituka. Handa akong makipagsabayan ng harapan.
Sa trabaho naming ito, mayroon kaming nasasagasaan, may nababanatan, may nakakanti. ‘Yung aming mga ine-expose, kinukumpronta kapag sila’y inireklamo - nasasaktan.
Lumang tugtugin na ‘yung mga gumaganti, kahit hindi mediamen. Mapa-pulis, judge, piskal, abogado, sundalo, pulitiko at iba pang propesyon, kapag may nakanti at nasagasaan, binabalikan.
Sa galawan at kilos ng mga halang ang bituka na gusto ay pumatay, may nagpi-finance diyan, may pumopondo. ‘Yung nagpopondo, ‘yan ang utak ng krimen, kukuha lang ng mga kasapakat “sa loob” para magplano.
Humahanap lang ng tiyempo ang mga hinayupak at putok sa buho para makaganti. Kapag binigyan mo sila ng pagkakataon dahil “relax” kami, asahan na may kalalagyan kami.
Lalung-lalo na ako si BITAG, anytime na may nasagasaan, may nakatanti, may naupakan sa ngalan ng katotohanan, ipa-project kami.
Dahil ang adbokasiya namin, kung kinakailangang i-expose para sa kaalaman ng publiko, ipagtanggol ang mga inaapi laban sa mga makapangyarihan, babanggain namin kung sino ang dapat banggain.
Subalit hindi basta-basta bumubula ang bibig namin. Iba ang adbokasiya ng BITAG, maging ang programa ng mga kapatid ko. May pinaninindigan kaming prinsipyo
‘Yun nga lang, ang malungkot na katotohanan ay may presyo ang halaga ng katotohanan. Alin lang diyan, buhay mo ang nakataya kaya ikaw ang babalikan o ang mga mahal mo sa buhay.
Madali lang ang bumuka ng bibig sa mikropono at magsalita o ‘di naman kaya ay magsulat nang anumang gusto mong sabihin.
Hindi exempted dito yung mga vloggers na bumabanat. Darating ang araw na mapapansin kayo ng mga binabanatan n’yo, ipa-project-in din kayo.
Eh kung desidido ka naman sa propesyong minamahal mo at sa adbokasiyang ipinaglalaban mo, ituloy mo lang. Subalit, kung alanganin ka itigil mo na.
Kasi, kung desidido ka sa propesyong ito, alam mong inilalagay mo na ang sarili mo sa panganib.
Ibig sabihin, kapag tinuloy mo, nakikipagdeklara ka ng giyera, nakahanda ka sa kahihinatnan, either good or bad.
Kaya doon sa mga nagsasalita na , mabuti pa ‘yung depunto, ang tapang walang mga body guards. Well, ayokong maging bayani.
Aanhin mo ang pagiging bayani kung ikaw ay pinatahimik na.
Kaya marami ang nagtatanong bakit marami kaming bodyguards? Pumopondo ako sa kahalagahan ng aking buhay dahil alam ko na ang trabahong ginagampanan ko ay may kalakip na panganib.
Sa umpisa pa lamang, alam ko na ang totoong mundo ng propesyong ito na ang isang paa ay nasa hukay
At lalong alam ko na traydor ang mga kalaban ko’t halang ang bituka ng mga pendeho’t mga gago kaya walang gagawing matino, kaya handa ako.
Katulad ng pinaka-latest na isyu ng pamamaslang sa isang mamamahayag ngayon, all narratives, all sound bytes, puro leads, listahan ng mga person of interests, walang katapusan.
May leads pero hindi puwedeng banggitin ang mga pangalan dahil wala talagang mga pangalan o hindi sigurado.
Mas maganda siguro kung trabaho muna, resulta saka magsalita.
Ang problema, nauuna ang daldal sa trabaho. Less work, all talks.
- Latest