Lutas na?

Parang hindi na kataka-taka ang balita na isang araw matapos idawit ni Joel Escorial, ang sumukong hitman na pumatay umano kay radio commentator Percy Lapid, patay na si Jun Villamor na nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP). Si Villamor umano ang sinasabing “middleman” na kausap ni Escorial. Matagal nang magkaki­lala ang dalawa magmula pa raw noong kabataan nila. Sumuko ang gunman, itinuro ang middleman, patay ang middleman isang araw nang idawit. Ano ang iisipin n’yo?

Sa isinagawang awtopsiya kay Villamor ng NBI, wala raw katiyakan o “vague” ang inilabas na ulat. Ito ang pahayag ni Dr. Raquel Fortun, isang forensic pathologist. Tila humanap lang ng mga malinaw na senyales tulad ng tama ng bala o saksak, kung pasa-pasa ang katawan dahil sa bugbog o kung ano pang pananakit. Sa madaling salita, mukhang nagmadaling maglabas ng resulta na wala silang nakitang ebidensiya ng foul play.

Pero ayon kay Fortun, marami pa ang puwedeng imbes­tigahan na hindi basta-basta nakikita hangga’t hanapin. Ginawa ba ito ng NBI? Kinuwestiyon din ang paggawa ng awtopsiya matapos embalsamuhin ang bangkay. Paano mo nga naman makikita kung nilason o kung ano pa? Kontaminado na ang buong katawan. Wala ring detalya­dong ulat ng mga lamanloob ng katawan.

Nagsalita na rin ang kapatid ni Villamor. Sinabi umano sa kanya sa pamamagitan ng text kung sino ang nag-utos na patayin si Percy Lapid. Dahil dito, isinailalim na siya ng DOJ sa Witness Protection Program. Nakakatanggap na rin umano ng banta ang mga kapamilya ni Lapid habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kanyang pagpatay. Nais sana ng PNP na makuha ang ginamit na cell phone ni Villamor para isailalim sa pagsusuri. Makakatulong daw ito sa imbestigasyon.

Hindi pa masasabing lutas na ang kasong ito. Kahit hawak na ng mga otoridad ang mismong pumatay kay Lapid, dapat pa rin malaman kung sino ang nag-utos at bakit. Sigurado may kinalaman sa trabaho ni Lapid bilang commentator sa radyo. Sana masiwalat kung sino ang utak sa krimeng ito at tila maraming koneksiyon sa Bilibid.

Sinuspindi na rin ng DOJ si Bureau of Corrections chief Gerald Bantag. Lumalabas ngayon na marami ang namatay sa NBP sa ilalim ng pamumuno ni Bantag. Dapat kasama siya sa mga iniimbestigahan. Habang tumatagal, lumalabas ang mga may koneksiyon o may kinalaman sa krimen.

Show comments