Kapag maingay ang iyong tiyan, maraming kadahilanan ito. Una sa lahat, ang tunog na naririnig ay maaaring galing sa bituka o small intestines, at hindi sa tiyan. Ang masel ng bituka ay talagang humihilab at tumutunog. Ito’y para gumalaw ang likido at hangin sa loob ng ating tiyan.
Puwedeng kumulo ang tiyan kung gutom o kahit busog. Normal na magkaroon ng tunog ang tiyan.
May mga pagkakataon na mas malakas ang tunog o pagkulo ng tiyan.
1. Kapag nagugutom tayo, humihilab ang sikmura at bituka para ilabas ang natitirang pagkain na kinain mo. Kapag nakakain ka na ay mas tatahimik ang iyong tiyan.
2. Kapag na-stress ka, puwedeng may paikot-ikot na sakit sa tiyan, kasama na ang paghilab ng bituka. Ito ang tinatawag sa Ingles na “butterflies in your stomach.”
3. Kapag nakakain ng panis o maruming tubig, puwedeng humilab ang tiyan bago magtae. Gastroenteritis o impeksyon na nakuha sa maruming pagkain ang dahilan nito. Uminom ng maraming likido (tubig, sopas o lugaw) at kumain ng saging.
4. Kapag may ulcer o hyperacidity, sumasakit sa itaas ng tiyan sa lugar ng sikmura. Ang sakit na ito ay kadalasang nararamdaman kapag ika’y gutom. Nababawasan ang sakit kapag kumain ka ng saging o tinapay. Uminom din nang maraming tubig para mahugasan ang asido sa tiyan.
5. May iba pang dahilan ang pagkulo ng tiyan tulad ng bulate, bato sa apdo (gallbladder stone) at kanser. Kumunsulta sa doktor.