Medyo hindi na masyadong napag-uusapan ang COVID-19 dahil sa mababang bilang ng mga positibong kaso. Pero hindi ibig sabihing wala na ang coronavirus sa buhay natin. Nagmiting ang DOH at IATF hinggil sa obligadong pagsuot ng face mask sa labas. Ang nais umano ng gobyerno ay tanggalin na ang mandatory face mask para narin makaakit ng turista sa bansa at makatulong sa ekonomiya. Marami ang ayaw na talagang magsuot ng mask, lalo na mga dayuhan. Kaya ito ang posisyon daw ng IATF.
Pero medyo umalma ang DOH. Kung papasok nga ang mga turista kapag tinanggal na ang pagsuot ng face mask sa labas, darami ang tao sa mga kilalang dinadayuhan nila. Sa madaling salita, baka magsiksikan na naman. Kaya nag kompromiso na lang ang DOH. Papayag sila na hindi na kailangang magsuot ng face mask sa labas, pero hindi para sa mga senior citizen, hindi sa mga may comorbidities, hindi sa mga bata at hindi sa mga positibo sa COVID.
Kailangang magsuot pa rin sila sa labas. Pero mandatory pa rin yata sa lahat kapag nasa loob ng gusali, tulad ng malls o establisimento na hindi kainan. Di ko alam kung matutuwa ang mga turista rito at ayaw na ngang mag-mask.
Sang-ayon ako sa DOH sa mga hindi puwedeng walang mask sa labas. Mahirap na sila ang makapitan ng COVID. Kung malusog ka, o sa tingin mong malusog ka, desisyon mo na kung magsusuot ng mask. Marami na rin akong nakikitang walang mask sa labas. Pero may mga nagsusuot pa rin. Ganito na nga siguro ang buhay natin. Palaging kasama na ang COVID.
Huwag lang sanang malubhang variant ang malikha at kumalat nang husto. Ang huling variant na Omicron ay nagdudulot ng mild at moderate na sintomas lang. Sana nga wala nang Delta dahil marami na rin ang bakunado at may booster.
Huwag din sana kumalat ang monkeypox sa bansa, bagama’t may ilang kasong nakapasok na. Maayos naman ang kanilang lagay, karamihan gumaling na. Dumami rin ang kaso ng dengue sa bansa kumpara sa mga nakaraang taon. Kung nagkabakuna lang sana tayo laban sa dengue, tulad ng ginagamit nang maraming bansa, di ba?