Tigil muna ang NCAP
Inutusan ng Supreme Court ang LTO, MMDA at limang siyudad na itigil na muna ang pagpapatupad ng NCAP. Isang temporary restraining order (TRO) ang inilabas ng SC. May nakatakdang pagdinig ang korte sa dalawang legal na hamon laban sa NCAP sa Enero.
Ang isa mula sa mga grupo ng transportasyon. Ang kanilang daing ay laging may banta na mahuhuli na lang sila basta-basta. May batas din daw na kailangang face-to-face ang paghuli sa mga lumalabag sa batas-trapiko.
Ang isa naman ay mula sa abogado na nagpahayag na hindi dumaan sa tamang proseso ang paghuli at pagmulta sa kanya. Umabot ng P200,000 ang multa dahil hindi siya umano nagbayad pero ang kanyang depensa ay hindi niya alam ang mga paglabag. Hindi raw siya nasabihan.
Kaya ngayon, balik na naman ang traffic enforcers sa kalsada at kailangang sumunod lahat sa utos ng mataas na hukuman. Kung sa Enero pa ang pagdinig sa SC, may panahon para maghanda ang mga naghain ng petisyon laban sa NCAP, pati na rin ang depensa ng LTO, MMDA at mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad nito.
Sa totoo lang, dapat talaga pag-aralan nang husto ang mga alituntunin hinggil sa NCAP at marami ring isyu rito. May mga nagsasabing hindi nagsisinungaling ang video. Totoo naman. Pero may mga kumokontra na labag sa kanilang karapatan dahil walang tamang proseso at labag din umano sa karapatan sa data privacy.
Walang mabilisang solusyon sa mga isyu at problema sa trapik. Hindi tayo tulad ng mga maunlad na bansa na maayos lahat ng alituntunin, kasama na riyan ang kultura ng disiplina. Masasabi ko na walang disiplina ang karamihan sa mga motorista sa bansa.
Ayon sa Quezon City government, nabawasan ng 93 percent ang mga paglabag sa batas-trapiko dahil sa NCAP. Tila nagtanim ng displina sa mga motorista dahil alam na binabantayan na sila. Ito naman ang magiging punto sa diskusyon para sa implementasyon ng NCAP.
May benepisyo ang NCAP at ang tamang pagpapatupad na lang ang dapat talakayin. Hindi rin dapat para sa ilang motorista lang ang NCAP. Ang hiling na huwag isailalim ang mga PUV sa NCAP ay hindi katanggap-tanggap. Dapat saklaw lahat, para nga magtanim ng disiplina. Dito talaga mauuwi ang usapan, disiplina. At para sa Pilipinas, mahirap at masalimuot ang usaping iyan.
- Latest