Taon 1922 unang mag-test broadcast ng radyo sa Pilipinas. Ginawa ito ni Mrs. Redgrave sa Nichols Field, ngayo’y Villamor Air Base, Pasay City. Sumunod ang pagbukas ng tatlong istasyon ng radyo sa Manila ni Henry Hermann, tindero ng electrical supplies. Matinis pa ang audio noon, parang pisil ang ilong ng nagsasalita. Tila nagtatalumpati sa entablado, walang bulong. Flat ang musika. Pati mga drama ay pasigaw.
Mabilis pumasok ang sining sa radyo: tugtog ng banda, awit ng soloista, komedya, zarzuela, maikling kuwento tulad ng “Lola Basyang”.
Nagbunga rin ang radyo ng sariling sining: comedy skit tulad ng ‘‘Tang Tarang Tang’’, action-drama tulad ng ‘‘Diegong Tabak’’, at horror tulad ng ‘‘Gabi ng Lagim’’. Pati mga seksiyon ng magasin ay isina-radyo: payong romansa ni Tiya Dely at Doctor Love, panawagan tulad ng ‘‘To Saudi With Love’’, esoterika ni Johnny Midnight at Jaime Lichauco, kaalaman ni Ernie Baron, public service, relihiyon, pagtatanim at balita.
Siyempre merong komentaryo nina Rafael Yabut at Damian Sotto. At politiko, tulad nina Joseph Estrada, Eddie Ilarde, Noli de Castro, Orly Mercado. Malaki ang papel ng “Radyo Bandido” ni June Keithley nu’ng 1986 People Power Revolt.
Naging paksa rin ng sining ang radyo: kantang “Mr. DJ” ni Sharon Cuneta; at hit movies na “Radio Romance” (1996) nina Claudine Barreto, Rico Yan, Gelli de Belen, Paolo Abrera, John Estrada, Jolina Magdangal at “Won’t Last a Day Without You” (2011) nina Sarah Geronimo, Gerald Anderson at Megan Young.
Ngayon 1,458 na ang istasyon: 416 sa AM at 1,042 sa FM.
Nagsanib ang radyo at telebisyon. No. 1 sa tele-radyo ang “Ted Failon at DJ Chacha sa Radyo5”. Tampok ang balita, musika, sayaw, kasuotan, aral-Bibliya, payong legal, contest, jokes, kawanggawa, kasaysayan, exposés at malalim na pag-analisa. Panalo!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).