Hinihiling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa MMDA na huwag isama ang mga public utility vehicles (PUVs) sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) para maraming masakyan ang mga commuters partikular mga mag-aaral itong pasukan. Agad inulan ng batikos ang hiling na ito mula sa ibang motorista. Bakit sila lang ang hindi saklaw ng NCAP samantalang ang mga PUVs ang numero unong lumalabag sa mga batas-trapiko?
Sino ang humihinto kahit saan? Sino ang hindi naman sumusunod o hindi alam ang solid white line sa kalsada? Sino ang madalas mag-swerving? Hindi ba lahat iyan mga PUVs? Mga pribadong sasakyan lang ba ang huhulihin at mumultahan nang malaki kapag nahuli ng NCAP at palalampasin na lang ang mga PUVs? Kung hindi raw ibig sabihin na puwede nang lumabag ang mga PUVs at huhulihin sila ng mga traffic enforcers, eh bakit hindi na lang gawin para sa lahat ng sasakyan na lumalabag?
Maraming nahuli ng NCAP ang nagrereklamo dahil tila wala silang laban sa pagsita sa kanila. May mga okasyon na kinakailangang tumawid ng solid white line pero huhulihin ng NCAP sabay multa na. May mga okasyon na nakatawid ng mahabang intersection bago naging dilaw ang ilaw pero sisitahin pa rin. Mga kailangang lumihis para makadaan ang emergency vehicles tulad ng ambulansiya o bumbero, tapos mahuhuli ng NCAP. Puwede ngang kuwestiyunin ang paghuli at may adjudication board naman daw. Pero isang abala pa rin iyan, hindi ba? At hindi rin mura ang mga multa. May abogado na umabot na ng higit P20,000 ang multa, kasama na ang mga penalties.
Dito makikita ang mga problema at isyu ng NCAP. Dapat pinag-aralan na muna nang husto kung paano ito ipatutupad nang maayos. Kung hinihiling na huwag isama ang mga PUVs sa NCAP, patunay ito nang mga kakulangan ng NCAP. Parang sinabi na rin na mga PUVs ang siguradong lalabag sa mga batas-trapiko kaya huwag na munang isama para may masakyan ang tao. Hindi naman puwedeng pili lang ang saklaw ng NCAP.
Sa ngayon ay ayaw pumayag ng mga LGU na suspindihin na muna ang NCAP kaya sa tingin ko ay lalabas pa ang mga pagkukulang ng NCAP. Wala naman akong problema sa mga malinaw na lumalabag at mahuli ng NCAP. Ang problema ay ang mga kuwestiyonableng masisita. At hindi ako sang-ayon na may mga exempted sa NCAP. Dapat para sa lahat ang batas, kung mananatili nga sa ngayon.