EDITORYAL - Nasayang na bakuna
Nasa 20.6 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19 ang nag-expire noong Hulyo 31, 2022, ayon sa Department of Health. At mayroon pang mae-expire sa Agosto 31. Ang mga nasayang na COVID vaccine ay kinabibilangan ng Moderna at Astrazeneca. Hindi naman binanggit kung gaano karami at anong mga brand ng vaccine ang mae-expire sa katapusan ng Agosto.
Ayon kay Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, 8.42 porsiyento ng bakuna ang nasayang. Noong Hunyo, mayroon ding nasayang na bakuna na umabot naman sa 4.7 porsiyento. Karamihan sa mga nasayang na bakuna ay binili ng private companies.
Ayon pa kay Vergeire, nangako umano ang World Health Organization COVAX Facility na papalitan ang nag-expire na mga bakuna. Darating umano ang mga pamalit na bakuna sa Disyembre ngayong taon.
“The Covax has agreed to replace all expired vaccines, regardless [of] whether they were procured by the government or private or if they were donated supplies, upon the request of the government of the Philippines as long as these replacement vaccines will be used and will not expire again,” sabi ni Vergeire.
Mabuti naman at inaamin ng DOH ang mga nasayang na COVID vaccine. Sana lang ay hindi na maulit ang pagkasayang ng mga darating pang bakuna (kung meron pa) dahil nakakahiya naman sa COVAX facility na pinrayoridad nila ang pagpapadala ng bakuna at masasayang lamang. Maraming nangangailangan ng bakuna sa mundo lalo ang mga mahihirap sa Africa na karamihan ay halos wala pang nababakunahan.
Hindi sana nasayang ang mga bakuna kung naging maagap sana ang DOH sa pagbabakuna sa mamamayan. Nakipag-ugnayan sana agad sa LGUs ang DOH para naikasa ang bakunahan.
Nasabi minsan ni Go Negosyo founder Joey Concepcion na mabagal ang DOH sa pagbabakuna kaya marami ang nasayang na vaccine. Ayon kay Concepcion, marami ang willing magpabakuna subalit ang DOH ang may problema.
Malaking halaga ang nasayang sa mga nag-expired na bakuna. Nagkautang-utang ang Pilipinas dahil sa pagbili ng mga bakuna at sa bandang huli, mababasura lamang pala. Sana hindi na maulit ang pagkasira ng mga bakuna.
- Latest