Bago matapos ang termino ni President Duterte, hindi itinuloy ni dating Defense Secretary Lorenzana ang pagbili ng mga Mi-17 helicopter sa Russia sa pangamba na magpataw ng parusa ang U.S. sa Pilipinas bunsod ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine. Nagpataw nang malawakang parusa ang U.S. sa Russia at mga malapit na kaibigan ni Vladimir Putin. Kaya hindi itinuloy ang pagbili.
Ngayon, nais ng DND na magkaroon ng “diplomatic dialogue” sa Russia hinggil sa pagkansela ng pagbili, pati na rin ang pagsoli ng P1.9 bilyong downpayment na ibinayad na sa Russia. Dito na siguro magkakaroon ng problema. Ang Russia ay nasa kalagitnaan ng isang digmaan. Ang inakala ng Russia na araw lang ang bibilangin bago matalo nang tuluyan ang Ukraine ay hindi naganap. Lumaban nang husto ang Ukraine sa tulong na rin ng ilang bansang nagbigay sa kanila ng modernong sandata. Higit limang buwan na ang digmaan.
Magastos ang digmaan. Sa bawat araw na nagpapatuloy ito, baka nasa milyon ang ginagastos o nawawala kapag may nasisirang kagamitan. At dahil matindi ang ginawang parusa hindi lang ng U.S. kundi pati ilang bansa sa Europe sa Russia, nahihirapan ang ekonomiya ng Russia. May mga ayaw bumili ng kanilang langis at gas. Ang pera nila ay hindi tinatanggap ng ilang bansa. Kaya para sabihin na ibalik na lang ang downpayment para sa mga helicopter, baka mahirapan ang gobyerno makuha iyan. Kulang-kulang $35 milyon ang downpayment ng Pilipinas. Baka imbis na ibalik sa atin ay gagamitin na lang para sa digmaan sa Ukraine.
Bakit nga ba sa Russia nais bumili ng helicopter ang bansa? Dahil ba kay Duterte na nais maging kaibigan ni Putin? Ngayon alam ng buong mundo kung anong klaseng tao si Putin. Maganda ang Mi-17, walang argumento diyan. Kailangan ng AFP ng helicopter na kakayanin ang mabibigat na dala. Makakatulong ito sa panahon ng kalamidad. Pero may mga halos kapareho nito mula sa ibang bansa, hindi lang sa U.S. Sa modernisasyon ng AFP, dapat pag-aralan lahat ng aspeto, kasama na riyan ang pulitika, sa pagbili ng kagamitan o sandata. Hindi nga panahon para makipag-transaksiyon sa Russia.