Habang patuloy ang digmaan sa Ukraine, may isang lugar na binabantayan din ng mundo dahil maaaring mauwi rin sa karahasan. Noong Martes, nagtungo si US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan. Binantayan nang marami ang pagbiyahe ni Pelosi.
Maraming website kung saan makikita ang biyahe ng eroplano ni Pelosi. Dumaan ito sa silangang bahagi ng Pilipinas imbis na dumaan sa mas maikling South China Sea para maiwasan ang anumang banta ng China. Binantayan ang eroplano dahil sa mga banta ng China na kapag itinuloy ni Pelosi ang pagbisita sa Taiwan, mananagot ang Taiwan at mas mapapasama ang relasyon ng U.S. at China. Hindi raw mananahimik lang ang militar ng China at kung anu-ano pang mga banta.
Ang pagbisita ni Pelosi ang unang isinagawa ng isang U.S. House Speaker sa loob ng 25 taon. Ang huling bumisita ay si Newt Gingrich noong 1997. Hindi kinikilala ng U.S., lalo na ang China, ang independensiya ng Taiwan pero isa itong malakas na kaalyado nila. Ang pagbisita ni Pelosi ay tila mensahe na matibay ang kanilang relasyon at magpapatuloy ang pangako ng U.S. sa Taiwan na hindi ito pababayaan kung sakaling mauwi sa hindi magandang pangyayari.
May mga barkong pandigma ng U.S. ang bumabaybay sa South China Sea para protektahan rin ang biyahe ni Pelosi at kung ano pang masamang mangyari dahil sa pagbisita. Lumipad ang ilang war plane ng China sa karagatan sa gitna ng dalawang bansa kaya nagpalipad rin ang U.S. ng mga eroplano nila mula Japan. Ganito ang eksena noong Martes.
Nakaalis na si Pelosi at nagtungong South Korea. Ang ginawa naman ng China ngayon ay nag-live-fire exercises sa buong paligid ng Taiwan. Para sa akin, pananakot ito. Mukhang napikon nang husto si Chinese President Xi Jinping sa pagbisita ni Pelosi. Wala namang ginawang kilos ang China sa kabila ng mga maaanghang na banta sa U.S.
Hindi rin ako naniniwalang magsisimula ng digmaan ang China sa Taiwan kung alam na kikilos din ang U.S. para ipagtanggol ang maliit na bansa. Pero hindi ko alam ang isip ni Xi Jinping. Baka tularan si Vladimir Putin na isa pang taliwas ang pag-iisip. Dalawang bansa na may makapangyarihang poon na masusunod sa lahat ng oras.