1. Anu-ano ang mga check-up para kay Tatay? Para saan ang mga ito?
Sagot:
a. Magpa-blood test bawat taon—Complete blood count para malaman ang dami ng dugo; Creatinine para sa kidneys; Uric acid para sa arthritis; Cholesterol para sa puso; Fasting blood sugar para sa diabetes; at SGPT para sa atay.
b. Urinalysis—Para masuri kung may impeksyon sa ihi o sakit sa kidneys.
c. Chest X-ray—Para makita ang baga at puso.
d. Alamin ang blood pressure—Ang normal na blood pressure ay hindi tataas sa 120 over 80.
e. Bantayan ang prostate—Kapag nagkakaedad ang lalaki, lumalaki ang prostate. Minsan ay nagiging kanser pa ito. Ipa-check ang iyong PSA test para malaman kung may diperensiya o wala.
f. Bantayan ang colon cancer—Para makaiwas sa colon cancer, kumain nang maraming gulay at prutas. Paglampas ng edad 50, kailangang magpasilip sa puwit (sigmoidoscopy o colonoscopy). Ipa-check din ang dumi (stool exam with occult blood) para makasiguro na walang dugo sa dumi.
2. Anong sakit ang madalas na meron si Tatay? Paano ito maiiwasan?
Sagot:
a. Pangkaraniwan ay nagkakaroon ng altapresyon, diabetes at sakit sa puso sa edad 40 o 50.
b. Bantayan din ang mga kanser sa prostate, colon at baga, mula sa edad 40 pataas.
c. Ihinto ang paninigarilyo—Halos 60% ng kalalakihan ay naninigarilyo. Ang sigarilyo ay nagdudulot ng kanser sa bibig, lalamunan, baga at prostate. Mag-ingat.
d. Limitahan ang pag-inom ng alak—Huwag maniwala sa mga sabi-sabi na mabuti ang red wine sa katawan. Kapag nasobrahan sa alak ay masisira ang iyong atay, bituka at utak.
e. Magbawas ng stress—Masama ang stress sa ating katawan dahil naglalabas ito ng cortisol. Ang cortisol ay nakasisira sa katawan at mabilis tumatanda ang mga organo.
f. Magpabakuna—Para sa edad 50 pataas, kailangan ni Tatay magpabakuna laban sa pulmonya at trangkaso. Ang tawag dito ay pneumonia vaccine at flu vaccine.
3. Mga halimbawa ng healthy meals para kay Tatay.
Sagot:
a. Breakfast—kanin, bangus at kamatis (may lycopene na panlaban sa prostate cancer), nilagang itlog (protina).
b. Lunch—nilagang karne; dalawang tasa gulay na pechay o repolyo; 1 peras (high fiber panlaban sa colon cancer) at isa’t kalahating cup ng kanin
c. Dinner—manok (protina) na niluto sa tomato sauce, 1 tasa gulay (broccoli na may carrots panlaban sa kanser), 1 dalandan (may vitamin C) at 1 cup kanin
d. Meryendang saging, mansanas o yogurt.
e. Sapat na tubig.