NAKABABAHALA ang patuloy na pagdami ng naitatalang bilang ng mga bata na nagkaka-dengue sa lungsod. Dahil dito mas pinalakas pa natin ang kampanya laban sa mga lamok na nagdadala ng sakit na ito.
Ayon sa datos ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU), 518 sa dengue cases ngayong taon ay mula sa mga batang edad isa hanggang 10 taong gulang. Sa kasamaang palad, may isang binawian ng buhay dahil sa sakit na ito na maaari namang maiwasan.
Simula Enero hanggang Hulyo 28 naman, umabot na sa 1,280 ang kaso ng dengue sa lungsod kumpara sa 557 cases na naitala sa parehong panahon noong 2021.
Kamakailan, inatasan ko ang Quezon City Health Department (QCHD) na suyurin ang buong lungsod at magsagawa ng “Search and Destroy” operations kontra dengue. Inunang puntahan ang mga barangay na may naitalang pinakamaraming kaso, kung saan sama-samang naglinis ang mga residente, mga kawani ng barangay, at mga kinatawan ng health department.
Nilinis nila ang mga maaaring pangitlugan o breeding sites ng lamok gaya ng mga nakatambak na lata, bote, paso at gulong ng sasakyan.
Bukod dito, pinaaalala ko rin sa lahat, lalo na sa mga magulang na sundin ang iba pang mga hakbang na kabilang sa 4S para maiwasan na magkasakit ang ating pamilya: Secure Self-Protection Measures gaya ng pagsusuot ng long-sleeved shirts at paggamit ng mosquito repellent lotion; Support fogging/Spraying sa mga dengue hotspot; at Seek Early Consultation.
Available at libre ang rapid dengue diagnostic kits sa lahat ng health center sa lungsod, kaya inaanyayahan ko ang lahat ng nakararanas ng anumang sintomas ng dengue na agad magtungo sa center at magpa-checkup.
Paalala sa lahat “prevention is better than cure.” Kung maagap tayong magpatingin, mababawasan ang tsansa na magkaroon tayo ng severe dengue o maging ang pagkamatay.