Bilyonaryo buwisan nang mas malaki

Tama ang obserbasyon ni Sen. Sherwin Gatchalian. Maraming bilyonaryo sa ating bansa pero hindi sila kabilang sa top taxpayers. Nagkakamal ng sandamakmak na salapi pero ang biyaya ay hindi nila naibabalik sa bansang nagpapala sa kanila. Bakit nga ba?

Kung tutuusin, mula sa bilyonaryong pamilya si Gatchalian na yumaman sa negosyong plastic products. Ang kanyang tatay na si William Tiu Gatchalian ay dating Presidential Adviser on Overseas Workers Affairs. Siya ang nagkaloob ng kinakailangang P2 milyong “Blood Money” para mapalaya sa United Arab Emirates si Sarah Balabagan na nakapatay sa kanyang amo na nagtangkang gahasain siya.

Ang payo ni Sen. Gatchalian, patawan ng mas malaking buwis ang mga bilyonaryo na dinadaig pa ng mga celebrities sa telebisyon at pelikula sa pagbabayad ng buwis.

Gusto kong saluduhan si Gatchalian sa panukalang ito. Kasi, kung tutuusin, kahit siya ay apektado rin kapag siningil­ nang malaking buwis ang mga bilyonaryo, itinutulak­ niya ang adbokasyang ito. Naniniwala rin ako na kung patas ang paniningil ng buwis sa lahat, walang dahilan para kapusin ng pondo ang kaban ng bayan.

Ayaw kong isipin na dahil sa impluwensya ng mga bil­yonaryo, nagagawa nilang suhulan ang nga opisyal ng pama­halaan para makaiwas sila sa pagbabayad ng malaking buwis. Ayaw ko ring isipin na nagpapakawala sila nang malaking lobby money para ang mga mambabatas ay bumuo ng mga lehislasyon para sa kapakanan ng mga negosyanteng mayayaman.

Para kay Gatchalian, dapat ayusin ang sistema ng taxation o pagbubuwis upang ang mga mas mayaman ay magbayad nang malaki na umaakma sa kanilang kini­kita. After all, sila ay nagkakamal ng salapi sa kanilang mga negosyong tinatangkilik ng mga maliliit na Pilipino. Dapat lamang na magbayad sila ng tamang buwis bilang pagtanaw ng utang na loob sa bansa na nagbibigay sa kanila ng kabuhayan.

Show comments