Ayaw ipaalala?

Tsismis. Ito ang salitang madalas magamit ngayon dahil sa ignoranteng pahayag ng artistang gumanap sa isang anak ng dating diktador ng Pilipinas. Baka naisip, o hindi nag-isip, na dahil nasama sa pelikula ay magiging makabuluhan ang kanyang masasabi. Pero imbis na puri at para­ngal ang kanyang natanggap, batikos at kahihiyan lang ang naging gantimpala. Laman ng napakaraming insulto, mga “memes” at kung anu-ano pa para barahin ang kanyang pahayag. May mga akademikong maayos na tumutol naman sa kanyang pahayag, kung saan inihambing niya ang kasay­sayan sa tsismis.

Mali naman talaga. Ang tsismis ay ganun nga, tsismis lang na maaaring may katotohanan o wala talagang basehan. Sa madaling salita, hindi puwedeng pagkatiwalaan ka­­agad. Kailangan, kung nag-iisip kang tao, magkaroon ng beri­pikasyon bago tanggapin. Hindi ganyan ang kasaysayan. Ang mga nagsusulat ng kasaysayan ay sinisiguro ang kanilang nakakalap na impormasyon ay tama bago ilagay sa salita para mabasa ng lahat. Walang tsismis diyan. Kung batay sa tsismis ang kasaysayan, hindi dapat tanggapin o paniwalaan.

Ito ang mahirap sa mga tagasuporta ng kasalukuyang administrasyon. Tila nasanay na sa pagbigay ng mga maling­ opinyon o pahayag dahil nasanay na sa pagkalat ng maling impormasyon o pagbura o pagbago ng kasaysayan na naging malaking tulong para maibalik ang mga Marcos sa kapangyarihan. Ayaw bigyan ng halaga ang tunay na kasay­sayan.

Katulad na lang ng mambabatas na nagpanukalang palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Ferdinand E. Marcos International Airport dahil itinayo raw ang nasabing airport sa termino nito. Agad kumilos ang mga may alam sa kasaysayan ng Manila International Airport (MIA) at ipinakita na batay sa maling impormasyon ang pahayag ng mambabatas. Matagal nang airport iyan bago pa naging presidente si Marcos Sr. Kung nagbasa lang siya ng kasaysayan, nakita niya sana. O baka may ibang dahilan kung bakit nais palitan ang pangalan.

Tila tangka ito para mabura o malimot ang kasaysayan. Ipinangalan kay Ninoy Aquino ang airport dahil diyan siya pinatay. Si Ninoy ay kritiko ni Marcos. Iyan ang nangyari sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Sr. Walang tsismis diyan. Baka ayaw ipaalala sa tao na pinatay si Ninoy sa MIA. At ipapalit pang pangalan ay ang diktador na namumuno nang naganap iyon? Sana hindi ito pumasa sa Kongreso. Marami diyan ang nakapilang magbigay ng suporta sa kasalukuyang presidente, tulad ng ginawa sa nakaraang presidente.

Show comments