Mag-ingat sa mababang potassium

Isa sa pinakamahalagang mineral sa katawan ay ang potassium. Masama ito kapag labis at masama rin kapag kulang. Kailangan natin ang potassium para sa normal na pagtibok ng puso at paggamit ng mga masel sa katawan.

Marami na akong nakitang pasyente na nadisgrasya dahil lamang sa mababang potassium. Ang tawag ng doktor dito ay hypokalemia.

Ano ang dahilan ng mababang potassium?

Ang pangkaraniwang pinanggagalingan ng mababang potassium ay ang labis na pagpapawis, pagtatae at pagsusuka. Dahil dito, lumalabas ang potassium sa katawan sa pamamagitan ng pawis at dumi. Minsan naman, may diprensiya ang kidneys kaya lumalabas din ang potassium sa ihi.

Kung kayo ay mahilig uminom ng mga pamparumi, pam­paihi o pampapayat, puwedeng bumaba ang potassium. Kung mahilig kayo sa colon cleansing, puwede ring bumaba ang potassium. Ang sobrang pag-eehersisyo at pagpapawis ay puwedeng makababa rin ng potassium.

Ano ang sintomas?

Ang sintomas ng mababang potassium ay ang panghihina ng mga paa, pinupulikat at abnormal na tibok ng puso. Nag-uumpisa ang panghihina sa may paa at umaakyat ng dahan-dahan hanggang maparalisa ang buong katawan. Napakadelikado nitong sakit at puwedeng ikamatay agad.

Paano ginagamot ang mababang potassium?

Kapag malala na ang lagay ng pasyente ay kailangan nang dalhin sa ospital para mabigyan ng potassium sa dugo. Ngunit kung nag-uumpisa pa lamang ang panghihina ay puwede muna kumain ng mga pagkaing mataas sa potassium tulad ng saging, patatas, kamatis, orange at broccoli.

Ang mga pagkaing ito rin ang magandang paraan para makaiwas sa pagbaba ng potassium. Ang Gatorade ay may potassium din. May tableta rin na binibigay ang mga doktor, ang potassium tablets (brand name K-Lyte) na mabilis magpataas ng potassium.

Para makaiwas sa sakit na ito, ugaliing kumain ng dalawang saging araw-araw. Kumunsulta sa doktor kung kayo ay nanghihina. Ipasusuri ng doktor ang iyong potassium level (isang blood test) para malaman kung mababa ang potassium. Kung kayo ay may kidney failure, magtanong muna sa doktor bago kumain ng pagkaing mataas sa potassium.

Show comments