KASADO na ang seguridad sa inagurasyon ni president-elect Bongbong Marcos sa Huwebes na gaganapin sa National Museum sa Maynila, ito ang tiniyak ni Manila Police District director Gen. Leo Francisco. Asahan umano ang pagsisikip ng trapiko sa mga kalyeng malapit sa National Museum. Kaunting pasensiya ang hiling ni Francisco sa lahat.
* * *
Maraming mangingisda na ang nagugutom dahil hindi na sila makapangisda. Apektado na rin ang ating mga kababayan dahil kung may isda mang mabibili sa ngayon sa mga palengke, ubod naman ng mahal. Ang dahilan diyan ay ang super taas na presyo ng gasolina at diesel na ginagamit sa bangka ng mga mangingisda. Kaya ang iba ay tumigil na sa pangingisda at naghanap na lamang ng ibang hanapbuhay.
Hiling ng mga mangingisda kay BBM na pagtuunan naman ng pansin na maibaba ang presyo ng petrolyo kapag naupo na ito sa Malacañang. Maibigay na sana ang ayudang ipinangako ng mga alipores ni President Rodrigo Duterte. Puro press release kasi ang ayuda o fuel subsidy at ang masakit pa nito kung may pinagbibigyan man ng ayuda ay ang malalapit lamang na kaalyado ng mga opisyales sa Department of Agriculture.
May katwirang pumiyok ang mga naghihikahos na mangingisda dahil kung ang mga drayber ng mga pampublikong transportasyon ay namamaos na sa kasisigaw at pagkilos protesta na ibigay na ang fuel subsidy ng Department of Transportation e puro press release rin ang nangyayari at kung may nabiyayaan man, ‘yung mga masuwerteng operators lamang.
Sawa na sila sa pangako at nais nila na sa pag-upo ni BBM, maging makatotohanan na ang mga programa ng gobyerno at walang palakasan system. Dismayado na rin sila sa mga traditional politician o trapo na magaling lamang sa pangako subalit kapag nasa puwesto na ay madaling makalimot sa pangakong iaahon sa kahirapan ang mamamayan.