Blogging, vlogging high tech tsismis

Nasabi ko sa nakaraang column na ang social media na ginagamit ng bloggers o vloggers ay binubuo pa rin nang maraming iresponsableng tao na walang muwang sa etika ng pamamahayag. Makikita mo iyan sa mali-maling ispeling at baluktot na grammar sa kanilang isinusulat o sinasabi lalo pa’t nasa wikang Ingles.

Sabi nga ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, “hindi iyan journalism.”

Ganyan din ang paniniwala ng beterano at respetadong mamamahayag na si Vergel Santos kaugnay ng plano ng Malacañang na payagang makapag-cover sa aktibidad ng papasok na Presidente Bongbong Marcos.

Kapag ang ginagamit sa social media ay puro teksto lang, “blogging” ang tawag. Pero kung may kasamang video, “vlogging” na ang taguri rito. Bagama’t hindi na kayang had­­la­ngan ang pagpasok ng social media, masasabi kong hindi pa panahon para kilalaning “journalist” ang bloggers na kadalasan ay magaspang ang ginagamit na lenggu­wahe at hindi impormasyon ang dala-dala kundi mapanirang tsismis.

In fairness, mayroon ding nga journalist at ibang nasa ibang propesyon ang gumagamit sa social media sa ma­ayos na paraan. Ngunit ang karamihan ay wala sa hulog. Kahit ang isang menor-de-edad na marunong magbukas ng YouTube account ay puwedeng mag-blog. Pero kumus­tahin mo ang content na ang laman ay kadalasang basura.

Kahit si President-elect Marcos ay may sariling YouTube account at isang vlogger. Sabi niya, kahit presidente na siya, itutuloy niya ito. Okay iyan dahil presidente siya at naniniwala akong magiging responsible siya sa pamamahayag.

Pero sa pangkalahatan, dapat munang ma-professionalize ang paggamit ng social media upang ang mga gumagamit nito ay maging responsable sa kanilang gagawin. Hindi naninira ng reputasyon kundi naghahatid ng impormasyon na makatutulong sa taumbayan.

Show comments