Ano ang emphysema?

Ang emphysema ay sakit sa baga dulot nang matagal na paninigarilyo at paglanghap nang maruming hangin dulot ng air pollution. Ang baga ay may mga maliliit na air sacs kung saan pumapasok sa katawan ang oxygen at lumalabas ang carbon dioxide.

Dahil sa usok at polusyon, puwedeng masira ang mga air sacs ng baga at mapigilan ang pagpasok ng oxygen sa katawan. Dahil sa sigarilyo, tumitigas ang baga, nag-iipon ang plema at nahihirapan nang huminga ang pasyente.

Ano ang gamot sa emphysema?

Wala pang lunas ang emphysema. Kapag nasira na ang baga, hindi na ito maiaayos muli. Hindi naman puwe­deng operahan at palitan ang baga.

Ano ang nagiging buhay ng taong may emphysema?

Lagi silang hirap huminga. Kaunting lakad lang, parang kapos na sa hangin. Mayroong inhalers na ibinibigay ang doktor na ang halaga ay umaabot sa P1,000. Puwede itong makatulong. At sa bandang huli, kailangan na ng oxygen tank sa bahay para lang makahinga.

Paano makaiiwas na hindi magka-emphysema?

Sundin ang mga sumusunod:

1. Ihinto ang paninigarilyo. Hindi pa huli ang lahat para itigil ito. Basta itinigil ang paninigarilyo, mapipigilan ang tuluyang pagkasira ng baga.

2. Umiwas sa lugar na may naninigarilyo. Kapag may kasama kang naninigarilyo, para ka na ring nanigarilyo ng tatlong sticks sa bawat oras na kasama mo siya.

3. Palakasin ang muscle sa dibdib. Mag-ehersisyo gamit ang 1 kilong dumbbell sa bawat kamay. Palakasin ang masel sa leeg, balikat at dibdib para mas makahigop ng hangin.

4. Kumain ng anim na beses sa isang araw pero kaunti lang. Halimbawa, isang saging lang sa meryenda. Masama kasi ang sobrang busog sa may emphysema dahil naiipit ng tiyan ang baga.

5. Abutin ang tamang timbang. Hindi maganda ang sobrang taba at ang sobrang payat din. Kapag masyadong payat, mawawalan ng lakas ang katawan. Kumain ng masustansiyang pagkain tulad ng gulay, prutas, isda at manok.

6.Tamang paghinga: Huminga nang malalim ng nakabuka ang bibig. Gamitin ang tiyan sa paghinga.

7.Habaan ang iyong pag-exhale. Subukang mag-exhale nang nakabilog ang bibig. Para bang humihihip ka sa isang straw. Mapipigilan nito ang pagsara ng mga air sacs sa baga.

8.Uminom ng Vitamin C at E. Mga anti-oxidants ito at baka makatulong sa masamang epekto ng paninigarilyo.

9.Magsuot nang maluluwag na damit. Magluwag din ng pantalon para hindi mahadlangan ang paghinga.

10.Matulog nang nakaangat ang ulo at katawan. Gumamit ng dalawa o tatlong unan.

11.Siguraduhing malinis ang kuwarto at maganda ang daloy ng hangin. Kung may air-conditioner ay mas makagiginhawa pa.

12.Mag-relax at magdahan-dahan lang sa inyong gawain.

13.Magpatingin sa espesyalista sa baga o pulmonologist.

Show comments