Pagkilala sa kabayanihan: Barkong panggiyera ng Amerika ipapangalan sa Pinoy sailor
Kahit noong mga naunang panahon o sa unang bahagi ng 20th century, na hindi pa lubhang kumakalat ang mga overseas Filipino worker sa buong mundo, kinakikitaan na ng magagandang katangian pagdating sa trabaho ang mga manggagawang Pilipino sa ibayong-dagat. Napapansin ng mga dayuhan noon pa man ang kanilang kasipagan, tiyaga at kahusayan sa trabaho, kagitingan at pakikipagkapwa. Tulad ng isang sailor na Pilipinong si Telesforo Trinidad na bagaman nauna na siyang naparangalan sa isa niyang nagawang kabayanihan, mahigit 107 taon na ang nakakalipas ay patuloy pa ring ginagawaran ng pagkilala hanggang sa kasalukuyan, kahit pumanaw na siya.
Nag-viral nitong nagdaang mga linggo ang pangalan ni Trinidad makaraang ipahayag ng isang mataas na opisyal na Amerikano na ipapa-ngalan sa kanya ang isa sa mga ipinapagawang barkong panggiyera ng United States Navy bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan noong nasa U.S. Navy pa siya, mahigit isang siglo na ang nakakaraan.
Ang barko na isang missile-guided destroyer na papangalanang USS Telesforo Trinidad (DDG 139) ay mapapabilang sa mga barkong destroyer ng Arleigh Burke-class ng U.S. Navy na naka-kagawa ng malawak na klase ng mga operasyon kabilang ang multi-threat air, subsurface and surface warfare capabilities, national security and peacetime presence.
Nabatid na sa kasalukuyan, limang Flight III destroyer ang ginagawa habang ang siyam pang barko na kinabibilangan ng DDG 139 ay nasa ilalim na ng contract phase.
Ayon sa pahayag ng U.S. Navy, ang Arleigh Burke-class destroyers ay ang gulugod ng surface fleet ng U.S. Navy na nagbibigay ng proteksyon sa Amerika sa buong mundo.
Noong Mayo 19, 2022, ipinahayag ni U.S. Secretary of Navy Carlos Del Toro na ipapangalan kay Trinidad ang natu-rang barkong panggiyera bilang parangal sa huli na nakapagligtas ng dalawang crew member nang masunog ang sinasakyan nilang barko. May ranggong Fireman Second Class si Trinidad nang panahong iyon.
“Mula nang manumpa ako bilang Kalihim, gusto ko nang ipangalan sa kanya ang isang barko bilang parangal sa kanyang kabayanihan,” sabi ni Del Toro sa wikang Ingles sa isang pahayag. “Ang barkong ito at ang magiging mga crew niya ay magiging isang kritikal na bahagi sa pagpapalakas ng ating maritime superio-rity habang idinidiin ang mayamang kultura at kasaysayan ng ating naval heritage,” patungkol niya sa U.S. Navy.
Noong Enero 21, 1915, nagtatrabaho si Trinidad sa barkong USS San Diego nang magdesisyon ang kanilang kapitan na magsagawa ng apat na oras na full speed at endurance trial para matukoy kung mamimintina ng barko ang officially rate flank speed nito. Pero nagkaroon ng mga pagsabog at sunog sa ilang broiler ng barko. Iniligtas ni Trinidad ang dalawa niyang sugatang kasamahan kahit sugatan na rin siya at nalapnos ang kanyang mukha dahil mga pagsabog. Siyam na katao ang namatay sa insidente. Dahil sa kanyang katapangan, ginawaran si Trinidad ng U.S. Navy ng Medal of Honor at $100 gratuity. Siya ang unang Pilipinong nakatanggap ng ganitong parangal sa U.S. Navy.
Isinilang si Trinidad noong Nobyembre 25, 1890 sa New Washington, Aklan. Nagtungo siya sa Maynila at nagtrabaho bilang isang houseboy sa edad na 11 anyos. Sa edad na 16 anyos, nagdedeliber siya ng mga lunchbox sa mga trabahador ng isang pagawaan ng mga barko sa Sangley Point sa Cavite. Nakilala niya ang may-ari ng isang ferry boat na kumupkop sa kanya at nagturo sa kanya kung paano magpaandar ng makina ng bangka nito na regular na bumibiyahe sa ruta sa pagitan ng Cavite at Maynila. Panahon na ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas makaraang mapatalsik ang mga kolonyalisyang Kastila nang magbinata si Trinidad sa edad na 18 anyos. Sa mga oras na ito, nagpalista siya sa U.S. Navy dahil tinatanggap nang magtrabaho rito ang mga Pilipino. Pagkaraan ng 30 taong pagseserbisyo, nagretiro siya sa U.S. Navy noong 1939. Pinalipas niya ang nalalabing panahon ng kanyang buhay bilang poultry farm sa Imus, Cavite. Namatay siya sa edad na 77 taong gulang noong Mayo 8, 1968. Kabilang din si Trinidad sa mahigit 250,000 sundalong Pilipino na nagsilbi noong WorldWar II kasama ng libu-libong namatay sa brutal na 1942 Bataan Death March sa Pilipinas.
“Sa pagpapangalan sa USS Telesforo Trinidad, pinagtitibay nito ang 121 taon na katapatan at matapat na serbisyo ng maraming henerasyon ng mga Filipino-American families sa U.S. Navy at sa U.S. Armed Forces, at ang matagumpay na papel ng mga Filipino Ame-ricans sa kasaysayan ng Estados Unidos,” sabi sa wikang Filipino sa Asian Journal ni Cecilia Gaerlan na executive director ng Bataan Legacy Historical Society. Ang pahayag anya ng U.S. Navy ay magsisilbing inspirasyon ng kasalukuyan at hinaharap na mga henerasyon para tularan ang kabayanihang ginawa ni Trinidad hindi lang sa panahon ng giyera, kundi sa araw-araw na pagseserbisyo rin nila.
Ang kampanya para ipangalan kay Trinidad ang barko ng U.S. Navy ay pinasimulan noong 2020 ng USS Telesforo Trinidad Campaign (USSTTC), isang US-registered non-profit organization. Bago pa pangalanan ang USS Telesforo Trinidad, wala pang ibang barko ng U.S. Navy na naipapa-ngalan sa isang sailor na may lahing Pilipino, bagaman libu-libo nang Pilipino at Amerikanong may dugong Pilipino ang nagsilbi sa U.S. Navy sa nagdaang 120 taon, ayon sa USSTTC.
Sabi pa ni Del Toro sa wikang Filipino, “Umaasa ako na ang pagpa-ngalan sa barkong ito ay isang liwanag hindi lang para sa mga Asian Americans at Pacific Islanders, kundi pati na rin sa lahat ng ating mga Sailors, Marines at sibilyan na nagsisilbi sa Department of Navy. Dahil sa kanilang mga serbisyo at sakripisyo ay nagiging mas malakas at magaling ang ating militar at bansa (US).”
* * *
Email- [email protected]
- Latest