Aktibo ang kabataan sa mga isyung panlipunan. Dahil sila ang magmamana ng kinabukasan, pinapanday na nila ito ngayon ayon sa ikabubuti nila. Wala pang mga trabaho at pamilya, malaki ang oras nila para sa mga simulain. At matakaw sila matuto sa teyorya at karanasan.
Dahil sa kanilang aktibismo, mainam isabak ang kabataan kontra sa katiwalian. Halimbawa, sa Dept. of Public Works and Highways, na binansagang flagship of corruption. Gawing project ng civil engineering students bago mag-graduate na dagsain ang DPWH sites. Buo-buong klase, ipa-inspeksiyon ang ginagawang highway o tulay kung matibay ang gamit na materyales at tama ang presyo. Gan’un din sa architecture at structural engineering students. Ipasuri ang disenyo at kalidad ng trabaho sa pier o airport. Gamitan ng formula na itinuro sa klase.
Mapunta naman sa Bureau of Customs. Pabantayan sa mag-aaral ng accounting at business administration kung wasto ang mga deklaradong kargamento at halaga. Pamanmanan ang public biddings sa iba’t ibang ahensiya: Health, Energy, Defense, Interior, Agriculture, Natural Resources, Budget, Internal Revenue, Armed Forces, pulis, atbp.
Matatakot magloko ang opisyales o manuhol ang kontratista. Hindi lang isa kundi isang daang pares ng mga mata ang nakatutok. Kapag may katiwalian, maisusumbong sa propesor at student council at maibubunyag sa media. May saksi sa paglilitis sa korte.
Samantala mahuhubog ang katapangan at talas ng isip ng kabataan. Magiging makabayan sila at mapangmatyag sa mga kalakaran sa gobyerno. Huhusay ang infrastructures at serbisyo, lilinis ang biddings, titino ang burukrasya. Matitipid ang perang gobyerno para sa mas maraming gawain. Uunlad ang ekonomiya. Gaganda ang kinabukasan -- itutuloy ng susunod na henerasyon ang reporma.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).