PAINIT nang painit ang kampanyahan ng mga kandidato ma-pangnasyonal o panglokal man. Kanya-kanya na silang gimik para matandaan ng mga botante. Uso na rin ang laglagan sa partido at kung anu-ano pang mga pakulo para makumbinsi ang mga tao. Mayroong kandidato na pinupuna at binabatikos ngayon dahil hindi na maganda ang inaasal.
Dismayado ang mga Kakampinks kay Sen. Dick Gordon kaya kumalat ang hashtag na #DropGordon para sa senate slate ni Presidential candidate Leni Robredo. Hindi umano masikmura ng mga supporters ni Robredo ang ipinakikita ni Gordon sa mga campaign sortie.
Sa Robredo-Pangilinan rally sa Nueva Ecija, hindi nagustuhan ng mga kakampinks ang inasal ni Gordon nang ipakilala niya ang senatorial slate, mayroong mga abogado, incumbent senators subalit nang ipakilala niya si dating Rep. Teddy Baguilat, ginaya niya ang katutubong sayaw para ilarawan si Baguilat sabay tawa sa bandang huli.
Okey lang naman sana ang paggaya ni Gordon sa kostumbre ni Baguilat kong hindi niya ginawang “joke-joke’’ lang at sinabayan nang malutong na tawa. Ayon sa ilang tweet ng netizens hindi lang ginagaya ni Gordon si Baguilat kundi mayroong pangungutya. Sang-ayon ako sa obserbasyon ng netizens na dapat magkaroon ng cultural sensitivity si Gordon sa ganitong pagkakataon. Maiinis ang mga kababayan ni Baguilat.
Sa sortie naman sa Surigao City, inagawan umano ng mikropono ni Gordon ang kinatawan ni Sen Leila de Lima na una sanang magsasalita sa entablado. Ano ba ‘yan? Ilan pa sa bastos line ni Gordon sa Zamboaga sortie ay: “Ipasok n’yo si Dick! Sa balota ha? Hindi sa kung anong butas.”
Sa Facebook post ni Zena Bernardo, ina ni Ana Patricia Non ng Maguinhawa Community Pantry, sinabi nito na dapat ibasura si Gordon dahil ang pangkiliti nito sa mga botante ay bagay lamang sa red strip ng Olongapo at hindi sa buong Pilipinas. Tinawag din nitong free loader ang senador na may libreng appearance sa stage ni VP Leni subalit never na inendorso ang kandidatura nito. Sabi pa niya, bakit daw pinapayagan ng organizer si Gordon na isang oportunista to the max. Ayon pa sa kanya, karamihan sa Kakampinks ay mga kababaihan kaya hindi uubra ang ginagawa ni Gordon.
Ilan lamang yan sa mga puna. Puwede n’yong iparating sa akin ang mga napupuna at nang maituwid ang kanilang ginagawa. Paalala ko sa mga kandidato na maging seryoso sa pangangampanya at iwasan ang mga hindi magandang salita at kilos para makumbinse ang mga botante.