Under protective custody na ng BITAG ang guwardiyang si Jomar Pajares.
Bagama’t napanood na raw ni Jomar ang paghingi ng tawad ng kapatid ng nambugbog sa kanya, wala raw makapagbabago ng kanyang desisyon.
Kahapon ng umaga sa aking programang Bitag Live, sinagot ni Jomar ang panawagan ni Axl Teves, kapatid ng inirereklamong si Kurt Matthew Teves.
Sinabi rin ni Jomar, handa siyang makipagkita kung talagang seryoso na hihingi ng kapatawaran si Kurt. Ito ay sa kondisyong kasama ako at nasa kanyang tabi para sa kanyang proteksiyon. Bukas ang aking opisina kung sakaling nanaisin ng magkapatid na Teves, o kahit isama pa ang tatay na makipag-usap sa biktima.
Handa raw siyang tanggapin ang “paumanhin” ng magkapatid na Teves subalit itutuloy pa rin niya ang pagsasampa ng kaso kay Kurt Matthew. Kinontra ni Jomar ang sinabi ni Axl na wala umanong baril ang kanyang kapatid. Ani Jomar, kitang-kita niya na dinukot ni Kurt ang baril mula sa baywang saka itinutok sa kanya.
Nakakapagtaka na sa kabila ng gun ban ng Comelec ngayon, paanong nakakapagbitbit ng baril ang anak ng kongresista? Maaaring nakakuha siya ng clearance at exemption.
Pero sa pagberipika ng BITAG sa Philippine National Police-Firearms and Explosives Office, walang License to Own and Possess a Firearm (LTOPF) sa pangalang Kurt Matthew Teves. Ibig sabihin, walang lisensiya, walang baril na nakarehistro at bawal magdala ng baril ang inirereklamong si Kurt. Naloko na!
Ayon sa resident lawyer ng Bitag na si Atty. Melanio Batas Mauricio, anim na kaso ang puwedeng isampa ni Jomar kay Kurt.
Mabalikan ko lang ang paghingi ng patawad ng kapatid ni Kurt. Mabuti pa ang isang anak, marunong umako ng kasalanan para sa pamilya. Nagpakumbaba at humingi ng paumanhin sa GMA 7 na exclusive daw.
Ang padre de pamilya, iba ang bokadera. Para sa tatay na pulitiko na akala mo «untouchable,» eto ang pangaral namin sa’yo congressman:
I-search mo sa Proverbs 22:6: «Train up a child in the way he should go: and when he is old, he will not depart from it.» (Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki’y di niya ito malilimutan.)
Diyos ang may sabi niyan. Kung may Diyos ka, Cong. Arnie Teves!