Makinig sana ang gobyerno

Malamig umano ang administrasyong ito na itaas ng P1 ang pamasahe sa dyipni. Ang kanilang inaalala ay maaaring sumunod ang hiling ng pagtaas ng sahod­. Pinag-aaralan pa kung paano mapagagaan ang magi­ging­ mabigat na epekto sa lahat. Nagbabadya na rin ang pagtaas ng singil sa kuryente. Kung kailan bumabalik na sana sa normal ang buhay dahil paunti nang paunti na ang mga kaso ng COVID-19, ganito naman ang sitwasyon.

Noong Lunes, nakita ko ang mahahabang pila sa mga gasolinahan. Kinabukasan, ipinatupad na ang ma­laking dagdag sa presyo ng gasolina at diesel. Nagugulat ako sa nakikita kong mga presyo. Ang P500 ay hindi na malayo ang mararating. Nagsimula na nga ang pagbiyahe ng mga mamamayan para magbakasyon dahil sa pagluwag ng mga regulasyon.

Ang pinag-iinitan ay ang excise tax sa gasolina at diesel. Dapat tanggalin na muna dahil sa krisis sa Ukraine. Wala pa ring sagot ang Palasyo. Sigurado ayaw ni Finance­ Sec. Dominguez na tanggalin ang buwis na iyan. Ang nais pa nga, dagdagan ang mga buwis para mabawasan ang lumo­bong utang ng bansa na P12 trilyon na.  

Akala natin, may liwanag na sa kadiliman. Pero tila lumayo muli ang liwanag dahil sa digmaan ni Putin. Wala pang makapagsabi kung magtatagal ang digmaan­ pero sa tingin ko, magtatagal. Hindi sumusuko ang Ukrai­­nians. Dapat lang na ipagtanggol ang kanilang bansa. Sana, magpatuloy ang tulong ng mga bansa sa Ukraine. May mga ulat na pati mga sibilyan ay binabaril na ng mga sundalong Ruso. Na hindi raw sumusunod sa ka­sun­duang­­ pabayaang lumikas ang mga sibilyan. Marami nga tayong problema sa bansa, pero hindi katulad ng nara­ranasan sa Ukraine. Marami pa rin tayong dapat pasa­lamatan, pero sana makinig din ang gobyerno sa daing ng mamamayan.

Show comments