EDITORYAL - Huwag sayangin ang pinagpaguran sa EDSA
Ngayon ang ika-36 na anibersaryo ng EDSA people power revolution. Mahaba na ang nilakbay mula nang mapatalsik ang diktador na si President Marcos sa Malacañang. Hindi kailan man malilimutan ang mga naganap sa EDSA. Hindi mababago ang mga nangyari sa apat na araw na tahimik na rebolusyon na nagkaisa at nagkapit-bisig ang mga tao sa harap ng Camp Crame at Camp Aguinaldo para protektahan si dating Defense Minister Juan Ponce Enrile at dating AFP Vice chief of Staff Fidel Ramos makaraang alisin ang suporta kay Marcos.
Hindi nakakilos ang mga tangke ng sundalo ni Marcos sapagkat humarang ang mga tao. Matapang na nagsama-sama sa kabila na nakaumang ang mga baril ng mga loyalista ni Marcos. Walang tuminag at lalong nag-alab ang pagmamahal sa bayan na inangkin ng isang tao sa loob ng 20 taon. Piniringan at binusalan ang media. Maraming pinatay ang mga asong tagasunod. Itinapon sa talahiban, tabing sapa at damuhan. Maraming pinatay ang hindi na natagpuan at ngayon ay nananatiling bangungot sa mga mahal sa buhay.
Habang marami ang naghihikahos, walang makain at nagrerebelde ang mga bituka, ang kaban ng bayan ay sinisimot. Maraming ninakaw na hanggang ngayon ay hindi pa lubusang nababawi. Bilyong piso ang kinulimbat na malaki ang magagawa para umunlad ang kabuhayan ng mamamayan at Inambayan.
Apat na araw ipinakita ang lakas ng pagkakaisa sa EDSA para mapalayas ang nagsamantala, sana hindi masayang ang pinaghirapan. Sana hindi mamatay ang pagkakaisa at pag-alabin pang lalo. Hadlangan ang sinumang mangungulimbat, yuyurak at magsasamantala sa bayan. Naipakita na ang pagsasama-sama at hindi na dapat magkawatak-watak pa.
- Latest