Nag-Viral online ang sinapit ni Lolo Narding Flores, 80, ng Asingan, Pangasinan. Isang linggo siyang napresinto dahil hindi makabayad ng P6,000 piyansa. Hinabla siya ng kapitbahay na si Robert Hong, tsuper, ng pagnanakaw ng 10 kilo ng mangga nu’ng Abril 2021. Giit ni Lolo Narding na tanim ng ama niya ang puno, pero binakuran ni Robert. Hindi sila nagkasundo sa arbitration sa barangay, kaya sumampa ang kaso sa korte. Dinampot si Lolo Narding sa warrant of arrest, pero sa labas ng karsel pinapuwesto ng pulisya. Pinakain nila siya. At dahil P3,500 lang ang pera ng kaanak, pinunuan pa ng mga pulis ang kulang.
Nahabag ang netizens. Nagpadala ng pagkain at pera, sapat sa isang buwang ikabubuhay ng pamilya. May mga pumanig kay Robert.
Nakita ng madla ang aplikasyon ng batas: ang maralita walang pampiyansa at pangkain; pati naghabla isang kahig-isang tuka.
Nag-viral din sa Twitter si dating first lady Imelda Romualdez Marcos. Anang Netizens, sentensiyado siya sa pagkulimbat ng $200 milyon -- P10 bilyon -- pero nasa laya.
Noon pang 2018 nang hatulan ng korte si Imelda ng pitong counts ng graft. Kulong na 6-11 taon kada count, kaya minimum 42 taon. Pero ni isang kisapmata ay hindi pa siya napepreso.
Matagal nilitis si Imelda. Napatunayan sa korte na nilipat niya ang pera mula sa kaban ng bayan nu’ng siya ay assemblywoman, minister of human settlements, at chairwoman ng Metro Manila Commission sa panahon ng asawang diktador President Ferdinand Marcos. Idineposito ang nakaw na yaman sa pitong pribadong bank accounts sa Switzerland.
Ikinagagalit ng netizens na iba ang batas para sa mayaman. Tanong nila: kung maging presidente ang anak ni Imelda na si Bongbong Marcos, mapapanagot pa ba sila sa pagkakasala?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).