Patapos na kaya ang pandemya?
Extended ang Alert Level 2 sa Metro Manila hanggang Pebrero 28. Pagkatapos nito, baka Alert Level 1 na sa Marso. Ang tanong, handa na ba ang Metro na sumailalim sa level na ito kung sakali, kung saan lahat ng mga paghihigpit hinggil sa kapasidad ng mga pampublikong transportasyon pati mga establisimento ay matatanggal. Puwede nang mapuno ang bus, jeepney at iba pang sasakyan, pati mga kainan.
Sang-ayon naman ang NEDA na ilagay na sa Alert Level 1 ang NCR, pero hindi pa rin dapat lubusang tanggalin ang lahat ng paghihigpit. Natural, may babala naman sa tila minamadaling ilagay ang NCR sa Alert Level 1. Ayon kay OCTA research fellow Guido David, dapat sa Marso na lang isailalim ang NCR sa Level 1. Baka masyado raw mabilis ang pagluwag na siyang ikinababahala niya. Ilang beses na rin tayong nagluwag pero sumipa muli ang mga kaso.
Dapat din tingnan ang sitwasyon sa buong bansa at hindi lang sa NCR. Mga karatig pook na maaaring doon naman magkaroon ng maraming kaso. Pero natuwa naman ang kilala kong doktor at wala raw silang kaso ng COVID na naka-admit ngayon. Mabuti naman at makapahinga naman nang maayos ang mga frontliner. Dalawang taon na rin itong pandemic.
Marami ang nagsasabi na baka hindi na nga mawala kaya dapat matuto nang mabuhay na kasama ito, tulad na rin ng flu. Maraming bansa sa Europe ang ganito na ang ginagawa sa nais nilang mabuhay na ng normal. Tinanggal ang pagsuot ng face masks at hindi na rin kailangang magpakita ng vaccination cards.
Iginiit pa rin ang pagpapatuloy ng programang pabakuna para mas maraming mamamayan ang mabigyan na ng proteksyon. Mukhang magiging madalas din ang boosters ayon sa mga sumusuri ng hangganan ng proteksyon na mabibigay ng mga ito. Kung mabubuhay na tayong may coronavirus, kailangang baguhin ang ibang lifestlye, ika nga.
Hindi ako magtataka kung magpapatuloy ang marami sa pagsuot ng face masks, tulad ng nakita natin sa Hong Kong nang tamaan sila ng SARS. May mga magdadala pa rin ng hand sanitizers. Sa totoo lang, marami ang natutong mag-ingat dala ng takot sa COVID. Pero ang tanong, patapos na kaya ang pandemya? Sana nga.
- Latest