Kampanya na

Nagsimula na noong Martes ang pangangampanya ng mga kandidato sa pagka-presidente, bise-presidente at senador. Nagtungo sa kani-kanilang mga balwarte ang mga kandidato para sa pagka-presidente para nga naman makakuha ng malaking suporta.

At tulad ng inaasahan, mala-pista ang mga naganap na proklamasyon ng mga kandidato na dinaluhan pa ng mga kilalang artista. Nagpahayag ng mga karaniwang pangako at kanya-kanyang pagkumbinsi kung bakit sila ang dapat maging presidente. Nabahala nga ang DOH sa rami ng tao na tila hindi na nasundan ang kanilang payo na mag-ingat pa rin at sumunod sa mga minimum health protocols tulad ng pagsuot ng mask at physical distancing. Pero magagawa ba talaga ang distancing sa ganyang kaganapan, lalo na’t may mga artsita? Parang hindi yata makatotohanan iyan. Ito nga ang magiging hamon sa lahat ng partido. Paano magiging ligtas ang mga tao habang nangangampanya na. Natural kapag nangangam­panya na ay marami ang nais makipagkamay, magpapa-selfie, may mga humahalik at yumayakap pa. Sa Marso ang mga lokal na posisyon naman ang mangangampanya.

Ayon sa OCTA research, nasa low risk na ang Metro Manila para sa COVID-19 dahil mababa na ang reproduction rate. Pero ang pahayag na iyan ay ginawa bago magsimula ang kampanya kaya sana naman ay hindi magbago iyan. Pero hindi rin ako magtataka kung biglang dumami na naman ang mga kaso dahil nga sa panga­ngampanya ng mga kandidato. Tiyak na babantayan ng DOH at OCTA ang bilang ng mga kaso kung sakaling biglang sumipa.

Maraming bansa ang tila bumalik na sa normal sa ­pagtanggal ng mga mandato hinggil sa pagsuot ng face mask pati na rin ng pagpapakita kung bakunado na. Tila ang paniniwala ay hindi na mawawala ang coronavirus kaya dapat matuto nang mabuhay na kasama nito. Parang karaniwang flu na lang ang tingin matapos lumabas na ang mas nakakahawang Omicron variant ay banayad lang ang sintomas. Pero naglabas din ng babala ang WHO na huwag munang isiping tapos na ang peligrong dulot ng coronavirus at may variant pang binabantayan. Hind pa nga tayo nakakasiguro na tapos na ang pandemya. Mukhang nagsusugal na lang ang mga bansa sa kani-kanilang mga kilos patungong normalidad. Dito naman sa atin ay ainusundan pa rin ng karamihan ang pagsuot ng face mask. Marami na rin ang bakunado at may booster, at marami pa rin ang nais magpabakuna. Sana nga umabot tayo sa panahon na tila ubo’t sipon na lang ang COVID. Kung kailan iyan, hindi ko pa masasabi, pero sigurado hindi pa ngayon. Kaya kung susuportahan ang paboritong kandidato, mag-ingat pa rin kung dadalo sa pangangampanya.

Show comments