Upos ng sigarilyo ang nagpaparami sa mga basurang inaanud-anod sa karagatan ngayon. Tinatayang 766 milyong kilos ng upos ang nakokolekta bawat taon ayon sa United Nations Environment Program (UNEP). At hindi lang basta basura ang mga upos na ito sapagkat toxic at banta sa buhay ng mga lamandagat kapag nakain. Ang upos ay gawa sa microplastics na tinatawag na cellulose acetate. Hindi umano ito natutunaw. Ang microplastics ay ginagamit din sa mga foodchain at pinaniniwalaang nagdudulot ng seryosong epekto sa kalusugan ng tao na kinabibilangan ng pagbabago sa genetics, brain development at respiratiory rates.
Bukod sa upos ng sigarilyo, sandamukal na sachets ng shampoo, hair conditioner, 3 in 1 coffee, catsup, toothpaste at iba pa ang inaanud-anod sa karagatan. Bukod sa sachets, kasama ring inaanod ang mga plastic straws na ginagamit sa softdrinks, milktea at iba pang inumin. Namumulaklak ang sachets sa mga estero at canal na unang hantungan bago anurin sa dagat. Ang mga ito ang nagpapabara sa mga drainage at nagiging dahilan ng pagbaha. Kung hindi lilinisin ang drainages, hindi masosolusyunan ang pagbaha dahil hindi naman nabubulok ang plastic sachets. Kahit abutin ng 10 taon hindi mabubulok o masisira ang mga plastic sachets. Mas matibay ang mga sachets kaysa karaniwang plastic bag. Mas makunat ang pagka-plastic ng sachets.
Nagbabala ang coalition ng environmental groups na kung hindi gagawa ng paraan ang pamahalaan para mabawasan ang paggamit ng single use plastic, aapaw ang may 59.7 bilyong sachets sa Metro Manila.
Hindi lamang pagbaha ang dulot ng upos at sachets kundi banta sa buhay ng mga lamandagat kabilang ang balyena. Marami nang balyena na sumadsad sa dalampasigan at namatay. Nang suriin kung ano ang ikinamatay ng mga ito, napag-alaman na dahil sa mga nakaing plastic na basura. Iba’t ibang uri ng plastic ang nakuha sa bituka ng mga kawawang balyena.
Higpitan ang pagtatapon ng upos ng sigarilyo. Dati may ordinansa ang bawat lungsod na bawal magtapon ng upos. Pinagmumulta. Pero ngayon, wala nang sumisita sa mga nagtatapon ng upos. Ningas-kogon ang pagpapatupad ng batas.
Higpitan ang pagtatapon ng basurang plastics gaya ng sachets. Hindi dapat ipagwalambahala ang mga problemang ito na apektado ang buhay hindi lamang ang tao kundi pati mga lamandagat.