Ang katapatan
Sabi ng isang popular na awitin noong dekada ‘70, ang “katapatan” ay isang malungkot na kataga dahil ang bawat tao ay hindi tapat. “Honesty is such a lonely word, everyone is so untrue.”
Ang tapat o “honest” na tao ay hindi sinungaling at hindi gagawa ng masama. Totoo ba na ang bawat tao ay hindi tapat tulad ng mensahe ng awitin ni Billy Joel?
Mahalagang katangian ang katapatan. Ngunit may mga pagkakataong lahat tayo ay napipilitang magsinungaling. Halimbawa, kung tinutugis ng mga masamang elemento ang isang kaibigan o kaanak na nasa poder mo, kapag tinanong ka ng humahabol ay mapipilitan kang magsinungaling.
Wika nga “by force of circumstances we are compelled to lie.” Iyan ay kung ang katotohanan ay magbibingit sa sino mang tao sa kapahamakan sa kamay ng masasamang elemento.
Ngunit kung ang kaibigan o kamag-anak mo ay tinutugis ng batas dahil isa itong kriminal, ang pagsisinungaling ay malaking kasalanan sa mata ng Diyos at tao. Puwede ka pang kasuhan ng obstruction of justice kapag ipinagkaila mo at magsinungaling tungkol sa kanyang kinaroroonan.
Ang katapatan ay importante rin sa mga kumakandidato sa mga elective positions sa pamahalaan. Dapat ihayag nila nang buong-buo ang tungkol sa kanilang sarili. Hindi lang ‘yung mga positibong katangian kundi kahit ‘yung mga kamalian nila na pinagsisisihan na at itinuwid kung mayroon man.
Sa ganyang paraan, makikilatis ng mamamayan kung sila ay dapat ihalal o hindi. Walang masama sa pagsisiwalat ng mga kamakailan basta’t ang mga ito ay pinagsisihan na at naituwid. Wala namang taong perpekto at hindi nagkakamali. Baka nga ang pagsasabi ng mga kamalian ay maging puntos pa para tanggapin ng mga botante ang kandidato.
- Latest