Huli
Nahuli ang magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani, executives ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na iniimbestigahan ng Senado dahil sa patung-patong na anomalya hinggil sa mga kagamitang kinailangan para labanan ang pandemya. Nahuli sila sa airport ng Davao City at handa na sanang lumipad sa pamamagitan ng pribadong eroplano patungong Malaysia. Tinangka pa ngang tumakas ni Mohit pero nahuli rin. Saan naman siya tatakbo kung marami ngang humuli sa kanila?
Hindi pa ba malinaw na hindi na nila kayang ipagtanggol ang kanilang sarili sa mga akusasyon? Ipinahuli sila ng Senado dahil hindi sumisipot at ayaw magbigay ng hinihinging mga dokumento. Kung wala naman silang ginawang mali na iginigiit nila, bakit paalis na ng bansa?
At hindi pa ba malinaw ang yaman ng magkapatid na ito at pribadong eroplano pa ang inarkila mula pa sa Singapore? Malinaw rin na naniwala silang may proteksiyon sila sa Davao City. Bakit sa Davao City nga pinapunta ang eroplanong inarkila mula Singapore at hindi sa Maynila o sa Clark?
Pero agad namang naglabas ng pahayag ang Palasyo pati na rin ang lokal na pamahalaan ng Davao na patunay ito na tumutulong sila sa mga opisyal at hindi nila hinahadlangan ang imbestigasyon. Panahon na nga para magpabango na naman sa mamamayan.
Hindi pa rin matagpuan si Lloyd Christopher Lao, ang dating undersecretary ng DBM na nasa gitna rin ng imbestigasyon ng Senado, sa kanyang bahay sa Davao City. Kung walang itinatago, bakit nagtatago?
Ngayong hawak na ng Senado ng magkapatid na Dargani, hintayin natin kung magsasalita o ibibigay na ang mga hinihinging dokumento. Kung hindi pa rin, dapat nang kasuhan ng kriminal ang dalawa. Marami na silang hindi maipaliwanag.
Kasuhan na rin ang babaing testigo na ibinago ang patotoo sa Senado. Nagsinungaling siya habang nasa ilalim ng panunumpa. Sa tingin ko ay marami pang mauungkat sa imbestigasyong ito, lalo na kung makuha ang mga hinihinging dokumento ng Senado. Kaya siguro nagplanong umalis na ang dalawa dahil malapit na silang maipit nang husto. Naniniwala naman ang Senado na nasa bansa pa si Lao. Sana mahuli na rin.
- Latest