Nagpasya nang muling kumandidato sa pagka-senador si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano sa halip na pagka-Presidente. Sa mga may gustong humabol siya sa Panguluhan, personal niyang desisyon ito na dapat igalang. Nakikita ko rin ang lohika ng kanyang desisyon.
Nais niyang ituloy ang pagiging fiscalizer at higit siyang makatutulong para sa pag-ahon ng bansa sa perwisyong hatid ng pandemyang COVID-19. Naunang nanawagan ang iba’t ibang religious at sectoral groups na tumakbo siyang Presidente. Ngunit naiisip marahil ni Cayetano na kung sumunod siya rito, baka lalong magkakawatak-watak ang bansa. Tama siya dahil sandamakmak na ang mga ibig kumandidato na may kanya-kanyang followers at motibo.
Kaya naman balik-senado ang “peg” ngayon ni Cayetano. Independent siya o walang partido. Medyo magulo kasi ang linyahan ng mga kandidato sa pagka-senador. May mga magkakasama ngayon sa mga senatorial line-up na dati ay magkakaaway at magkakaiba ng paniniwala at direksiyon.
Sa pagtakbo ni Cayetano bilang independent, gusto niyang makita ang kilos at galaw ng mga partido pulitikal kung paano nila ihahain ang kanilang mga programa sa taumbayan at kung anu-ano ang mga programang ito na makakatulong sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa.
Kung makabalik sa senado, tiniyak ni Cayetano na itutuloy niya ang paghahain ng P10K Ayuda bill bitbit ang paniniwala na kailangan itong gawin ng gobyerno sa loob ng tatlo hanggang limang taon. Sa katunayan, kinakausap na niya ang ibang kandidatong senador at incumbent senators na suportahan ang P10K Ayuda dahil kailangan ng taumbayan na makaahon mula sa paghihirap na idinulot ng pandemya.