Nakaumang ang panganib sa kalikasan at kabuhayan ng mga mangingisda sa Sual, Labrador, Lingayen, Binmaley at Dagupan City sa Pangasinan dahil sa black sand mining na isasagawa ng Australian company na Iron Ore, Gold, and Vanadium Resources (Phils.) Inc.
Bukod sa sand mining, magmimina rin ang kompanya ng metallic at non-metallic minerals pati na ang langis, gas at deuterium sa Lingayen Gulf.
Ang proyekto na may Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) No. 07-2020-IOMR ay sinang-ayunan ng Malacanang noong Nob. 25, 2020.
Nararapat na maging mapagbantay ang mga Pa-ngasinense sa proyektong ito. Maaaring mapinsala ang likas na yaman ng Lingayen Gulf at ang pinagkukunan ng ikinabubuhay. Maraming panganib na idinudulot ang black sand mining kabilang ang pagbabaha, pagguho ng lupa at pagkasira sa marine ecosystem.
Maapektuhan ang pinagkukunan ng pagkain mula sa dagat at kalupaan dahil sa pagkabulabog ng hydro at geological systems. May epekto rin ito sa kalusugan ng mga mamamayan. Maraming uusbong na problema sa komunidad.
Sa ngayon, hindi pa makikita ang panganib ng black sand mining, subalit darating ito sa hinaharap kaya nararapat na manindigan ang mga Pangasinense. Kailan kikilos? Kapag saklot na ng panganib?
Ayon sa report, sa kalagitnaan pa ng 2022 magsisimula ang operasyon ng Iron Ore, Gold, and Vanadium Resources (Phils.) Inc.
Marami nang pangyayari, hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa iba pang bansa, na grabeng sinalanta ng black sand mining ang komunidad. Maraming sinira at pininsala. At sa mga nakahihindik na karanasang ito, wala ni isa mang naibalik sa dati. Ang nasira ay nasira na.
Mag-isip-isip ang mga Pangasinense ngayon pa lang sa balak na black sand mining sa kanilang lugar.
* * *
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com