Usap-usapan ang pagreretiro ni people’s champ Manny Pacquiao makaraan ang pagkatalo kay Yordenis Ugas ng Cuba noong Linggo via unanimous decision na ginanap sa T-Mobile Arena, Las Vegas Nevada. Maaaring iyon na ang huling laban ni Pacquiao.
Lalo pang uminit ang mga haka-haka sa pagreretiro ni Pacquiao nang sabihin mismo ng people’s champ sa isang interbyu makaraan ang laban na maaaring hindi na raw siya makitang lumalaban sa hinaharap. Hindi raw niya alam sa ngayon. Hindi pa raw siya makapagdesisyon. Gusto raw muna niyang magpahinga.
Kung magkakatotoo ang mga balita, walang masama at baka nga makabuti pa kay Pacquiao kung magreretiro na. Sa edad na 42, dapat na talagang iwan na niya ang pagboboksing. Kapansin-pansin na mabagal na ang pagbibitaw niya ng suntok. Sa nakaraang laban kay Ugas, bagama’t tumatama pa rin naman siya, hindi na katulad sa mga nakaraan niyang laban na nayayanig ang kalaban. Kakaiba na ngayon sapagkat nagkakaedad na. Noon, kapag nakorner na niya ang kalaban, nagpapaulan siya ng suntok. Ngayon, madalang na ang ulan ng suntok at nasisingitan na siya nang matatalas na upper cut ng kalaban. Mabagal na rin siyang umiwas sa mga jab.
Marami na naman siyang napatunayan. Ano pa ba ang hinahangad niya? Siya ang tanging boksingero sa kasaysayan na nanalo ng world titles sa walong magkakaibang weight classes. Walang ibang nakagawa ng ganyan. Marami na siyang naibigay na karangalan sa bansa. Isa na siyang alamat sa larangan ng boksing.
Nararapat din namang tuunan niya ng pansin ang kanyang kalusugan. Sa ngayon ay wala pa siyang nararamdaman pero paano sa hinaharap. Walang makapagsasabi kung hanggang kailan malakas. Kaya mas mainam na kung magpapasyang iwan ang pagboboksing at magpahinga.
Ngayong may balak siyang tumakbo sa mataas na posisyon, mas kailangan ang malusog at malakas na pangangatawan. Paano makapaglilingkod sa mamamayan kung bugbog na ang katawan.
Mas malakas ang katawan mas matalas ang isipan. Ito ang kailangan ngayon lalo pa’t ang adbokasiya niya ay labanan ang mga tiwali. Matatandaan na bago siya umalis noong Hunyo para mag-ensayo, sinabi niyang marami siyang ibubulgar na katiwalian sa pamahalaan. Dapat ito ang harapin niya. At magagawa niya ito kung tatalikuran na ang boksing.