Quezon Day nagging political rally
GRABE ang nangyari sa Quezon Province sa pagdiriwang ng 143rd na kaarawan ni dating Presidente Manuel Luis Quezon. Balita ko, dismayado ang maraming nakasaksi dahil imbes na dakilain ang dating Presidente at bayani, ginawa itong political venue ni Governor Danilo Suarez upang upakan ang kanyang mga kalaban sa pulitika.
Imbes na kilanlin ni Gov. Suarez ang legacy ni Quezon ang tinalakay niya sa kanyang talumpati ay ang isyu sa nabiting 2021 Annual Budget ng lalawigan. Binatikos umano ni Suarez ang aniya’y kalaban niya sa pulitika na ginagamit ang usapin laban sa kanya.
Pero hindi pamumulitika na pansinin ang di-makatarungang pagkabinbin sa kabayaran ng mga medical workers dahil nabitin ang pag-apruba sa budget ng probinsya.Iyan ang hirap. Kapag pumuna ka ng kamalian ng isang opisyal, sasabihing namumulitika ka.
Pati raw mga ordinaryong kawani ng kapitolyo ay nairita kay Suarez lalo na ang mga medical frontliners na nabitin ang pagtanggap ng kanilang mga benepisyo at sahod. Inimbita sa okasyon si Presidential Spokesman Harry Roque na halatang naging kakampi ni Suarez.
Mistulang miting de abanse ang pagtitipon sa halip na pagdakila kay dating President Quezon. Pinagtulungan daw ng gobernador at ni Roque na tuligsain ang mga kalaban sa pulitika ni Suarez.
Sinira ni Roque ang esensya at diwa ng okasyon na pagbibigay-pugay at respeto sa yumaong Presidente ng bansa. Okay ang pagdaraos ng mga political rallies pero sa ngayon, hindi pa napapanahon. At lalong palso na ang okasyon na nakalaan para sa mga dakilang bayani ng lahi ay gagamitin sa pamumulitika.
- Latest