(Last Part)
Ito ang karugtong ng kaso tungkol kay Atty. Manny Castro at sa asawa niyang si Tina na sangkot sa pang-aabuso na naging dahilan kung bakit nasampahan ang abogado ng kasong administratibo para sa disbarment pati na rin ng kasong kriminal (violence against women). Ang tanong sa kaso ay kung tama ba na ang away ng mag-asawa ang maging isyu ng pagtanggal ng lisensiya o disbarment kay Atty. Castro?
Pareho ang naging hatol ng Supreme Court. Ayon sa SC, tungkulin ng isang abogado na kumilos ayon sa kanyang propesyon sa isang kagalang-galang na paraan. Hindi lang daw saklaw dito ang trabaho niya bilang isang abogado kundi pati ang kanyang personal na buhay alinsunod sa batas (Code of Professional Responsibility).
Ang kinikilos ni Atty. Castro ay kulang sa tamang pamantayan ng propesyon na kanyang kinabibilangan. Kahit sabihin pa na mahirap ihiwalay ang kilos na matatawag natin na malaswa, nakakahiya, immoral at hindi mabuti para sa mga respetadong miyembro ng lipunan. Ang determinasyon kung ang kilos ay matatawag na immoral ay base sa kaakibat na mga sirkumstansiya at ang maituturing na normal na kilos.
Ang mga kilos ni Atty. Castro ay talagang kulang sa hinihingi sa kanya. Ang mga insidenteng inulat ni Tina ay may kasamang sapat na ebidensiya para mapatunayan na pisikal siyang sinaktan o bayolente talaga ang abogado at dapat lang na bigyan ng kaukulang disiplina.
Hindi itinanggi ni Atty. Castro na ginawa niya ang mga ibinibintang sa kanya. Ang tinitira lang niya ay ang importansiya ng blotter. Pero ang mga detalye ng blotter ay ginawa ng isang pulis habang ginagawa nito ang tungkulin kaya tatanggapin pa rin ito bilang ebidensiya. Ang bersyon naman ni Atty. Castro ay hindi rin kapani-paniwala. Kontra ito sa karanasan ng ordinaryong tao.
Mas kapani-paniwala na sinuntok nga ni Atty. Castro ang misis na si Tina. Inamin din niya na nakita niya ang sugat sa mata ni Tina pero hindi man lang siya nag-abala para gamutin ito. Ang palusot lang niya ay normal sa mag-asawa ang mag-away.
Pero ang pisikal na pananakit ay hindi matatawag na normal sa mag-asawa. Karahasan pa rin ito. Walang katwiran na matatanggap dito dahil nilalabag nito ang pamantayan ng isang sibilisadong komunidad.
Pero dahil mukhang si Tina ang unang nag-umpisa sa gulo at dahil si Atty. Castro ang solong sumasagot sa pag-aaral ng apat nilang anak, pati sumusuporta sa kanilang pamilya, mas nararapat ang parusang tatlong buwan na suspendihin na lang ang lalaki kaysa tanggalan ng lisensiya sa pagiging abogado (Cristobal vs. Cristobal, A.C. No. 12702, November 8, 2020).