Ang kaso para malinawan ang isang titulo o action for quieting of title ay isang remedy para malaman ang kanya-kanyang karapatan ng magkakalaban sa lupa para matanggal ang anumang gulo o pagdududa dito. Pipigilan din nito ang naghahabol na agawin sa tunay na may-ari ang karapatan sa lupa. Ano ba ang kailangan sa kaso? Ito ang isyu na sasagutin ngayon.
Ang kasong ito ay tungkol sa tatlong parselang lupa na nasa Bicol at pag-aari ni Siony at ng yumao niyang asawa na si Fred. May 21 taon na ang nakakaraan, ibinenta ni Siony ang lupa sa pamangkin na si Jaime sa pamamagitan ng isang kasulatan ng bentahan.
Dahil sa Maynila nakatira si Jaime ay ipinagkatiwala niya ang isang parsela na may sukat na 3,495 metro kuwadrado sa kapatid na si Mario at sa pamangkin na si Mandy na anak ni Mario pero sa kondisyon na lagi nilang ipapadala ang ani ng lupa.
Sa kasamaang-palad, pagkatapos ng 11 taon na posesyon sa lupa ay ayaw na nilang magbigay ng ani at ayaw din nilang umalis kahit anong pilit ni Jaime. Kaya napilitan si Jaime na magsampa ng kaso para sa pagbawi ng lupa, paglilinaw sa titulo nito, pagkuha sa posesyon at danyos.
Sa kanilang depensa, inamin ni Mario na ang kanilang tiyahin na si Siony at asawa nitong si Fred ang may-ari ng lupa at ipinagbabayad lang daw niya ng buwis. Pero mula pa raw noon ay malaya, tuluy-tuloy at tahimik na nilang pag-aari ang lupa bilang may-ari.
Doon na raw nakatirik ang kanilang mga bahay sa loob ng mahigit 50 taon. Kaya raw hindi na puwedeng maghabol si Jaime dahil paso na ang karapatan niya. Ayon pa sa kanila, binibigyan lang nila ng kaunting parte ng ani si Jaime bilang tanda ng pagpapakita ng kabaitan sa mga kamag-anak at kapatid. Hindi raw legal ang ipinakitang kasulatan ng bentahan ng lupa ni Jaime at hindi ito ayon sa nakasaad sa batas (Art. 476 Civil Code).
Sa paglilitis, naglabas ang RTC ng desisyon pabor kay Jaime bilang may-ari ng lupa. Inutos na umalis at agad isuko nina Mario at Mandy ang posesyon ng lupa kay Jaime. Mas may karapatan daw sa lupa si Jaime dahil sa kasulatan ng bentahan na notaryado. Kaya ipinapalagay na regular ang dokumento samantalang ang hawak lang nina Mario at Mandy ay posesyon ng lupa sa konsepto ng may-ari.
Nang umapela sina Mario at Mandy sa CA ay binaliktad ang desisyon ng RTC. Hindi raw nalipat ang pagmamay-ari ng lupa kay Jaime sa kabila ng notaryadong kasulatan ng bentahan dahil kahit kailan ay hindi naman napunta sa kanya ang posesyon at kontrol nito. Hindi raw masasabing “buyer-in-good faith” si Jaime dahil wala naman sa posesyon ni Siony ang lupa at hindi niya nilinaw ito. Tama ba ang CA?
Ayon sa SC, kontra ang posisyon ng CA dahil napatunayan nito na may malinaw na karapatan si Jaime sa lupa at walang pag-aalinlangan na hindi ito pag-aari nina Mario at Mandy. Ang titulo ng lupa ay nagmula sa isang legal na kontrata. Ang karapatan ng unang partido ay malinaw na isinalin sa ikalawa na siya ngayong nagmamay-ari ng lupa.
Sa kasong ito, ang titulo ni Jaime ay malinaw na nagmula sa kasulatan ng bentahan na pinirmahan ng biyudang si Siony kung saan ang dalawang lupa nila ng yumaong mister na si Fred ay isinalin kay Jaime. Malinaw na napatunayan ang karapatan ni Siony sa lupa na inilipat kay Jaime. Pati si Mario ay inamin ito.
Ang paggawa ng kasulatan ng bentahan para malipat ang lupa mula sa nagbenta papunta sa bumili ay alinsunod sa Art. 1498 ng Civil Code. Sa kasong ito, ginamit lang ni Jaime ang karapatan niya sa posesyon sa lupa para ipagkatiwala sa mag-amang Mario at Mandy kapalit ng regular na pagpapadala ng ani sa kanya. Ang katunayan na pinapadala kay Jaime ang ani ay inamin ni Mario.
Kaya ang kaso ay dapat lang maging pabor sa mga tagapagmana ni Jaime na noon ay namatay na rin (Heirs of Extremadura etc. vs. Extremadura etc., G.R. 211065, June 15, 2016).