Huwag gamiting garantiya ang tseke

Humiram ng dalawang tseke si Rina sa kaibigan niyang si Rica para ipambayad sa bigas na kinuha kay Lito. Nawala kasi ang kanyang tseke kaya nakiusap siya kay Rica na pahiramin siya at ipinangako niya rito na papalitan ang tseke kapag nabigyan siya ng panibagong tseke ng kanyang banko.

Pinahiram siya ni Rica. Ibinigay nito sa kanya ang dalawang tseke na may numbers 08A028 at 08A029 na may petsang Hulyo 25, 1996 at Agosto 25, 1996. Ang dalawang tseke ay may halagang P431,555.

Binigay ni Rina kay Lito ang dalawang tseke ni Rica. Nang makuha na niya ang sariling tseke, nagbigay siya ng dalawang tseke kay Lito kapalit ng mga tseke ni Rica. Ngunit nang hingin niya ang mga tseke ni Rica, ayaw itong ibigay ni Lito. Hindi pa naman daw dumarating ang itinakdang petsa ng tseke. Dahil sa nangyari at upang huwag madoble ang pagbabayad, ibinilin ni Rica sa banko na ipahinto ang pagbabayad sa sariling tseke.

Nang dumating sa takdang petsa, idineposito ni Lito ang mga tseke ni Rica. Bumalik ang mga tseke dahil walang pondo. Mga tseke naman ni Rina ang dineposito ni Lito. Tulad ng inaasahan, nakahinto ang pagbabayad sa mga tseke ni Rina. Ang ginawa ni Lito, idinemanda niya ang magkaibigan.

Depensa ni Rica, hindi siya dapat kasuhan sa piskalya dahil wala naman siyang tinanggap na konsiderasyon  para sa mga tseke na tulad ng isinasaad ng Batas Pambansa Bilang 22. Kung tutuusin, ginamit lamang bilang garantiya kay Lito ang kanyang tseke. Tama ba ang argumento ni Rica?

Mali. Ang Batas Pambansa Bilang 22 ay isang nata­tanging batas kung saan pinarurusahan ang paggamit ng mga tsekeng walang pondo. Ang layunin ng batas ay upang ipagbawal ang pag-ikot ng mga tsekeng walang silbi na nakasi­sira at nakaka­apekto sa mga transaksiyon sa banko at sa lipu­nang ating gina­galawan. Pina­rurusahan ng ba­tas ang pagga­mit ng mga “talbog na tseke” sa kahit ano pang dahi­lan, maging ito man ay kabaya­ran sa isang ka­sundunan, depo­sito, garantiya o kahit pa simpleng ebidensiya la­mang ng pag­ka­kautang.

Sa kaso ni Rica, responsi­bilidad lamang ng piskalya na patunayan na may sapat na basehan upang paniwalaan na lumabag siya sa batas. Hindi dito kundi sa husgado ang tamang lugar upang patunayan kung nagkasala siya. Hindi sapat na depensa na sabihin ni Rica ginamit lamang bilang garantiya ang mga tseke.

Sa paglilitis pa lamang niya mapapatunayan na talagang nabayaran na ni Rina ang halagang kanyang ginarantiyahan (Ricaforte vs. Jurado, G.R. 154438, September 5, 2007).

Show comments