Nanghiram ng dalawang tseke si Rina mula sa kaibigang si Rica. Kailangan niya ng tsekeng pambayad sa bigas na kinuha kay Lito. Nagkataon na nawala ang kanyang tseke kaya nakiusap muna siya kay Rica upang pahiramin siya. Pinangako niyang papalitan ang nasabing tseke sa oras na bigyan siya ng panibagong tseke ng kanyang banko.
Naniwala sa kanya si Rica kaya ibinigay sa kanya ang dalawang tseke na may numero bilang 08A028 at 08A029 na may petsang Hulyo 25, 1996 at Agosto 25, 1996. Parehong may halagang P 431,555 ang dalawang tseke.
Binigay ni Rina kay Lito ang dalawang tseke ni Rica. Nang makuha na niya ang sariling tseke, nagbigay siya ng dalawang tseke kay Lito kapalit ng mga tseke ni Rica.
Ngunit nang hingin niya ang mga tseke ni Rica, ayaw itong ibigay ni Lito. Hindi pa naman daw dumarating ang itinakdang petsa ng tseke. Dahil sa nangyari at upang huwag madoble ang pagbabayad, ibinilin ni Rica sa banko na ipahinto ang pagbabayad sa sariling tseke.
Nang dumating sa takdang petsa, idineposito ni Lito ang mga tseke ni Rica. Bumalik ang mga tseke dahil walang pondo. Mga tseke naman ni Rina ang dineposito ni Lito. Tulad ng inaasahan, nakahinto ang pagbabayad sa mga tseke ni Rina. Ang ginawa ni Lito, idinemanda niya ang magkaibigan.
Depensa ni Rica, hindi siya dapat kasuhan sa piskalya dahil wala naman siyang tinanggap na konsiderasyon para sa mga tseke na tulad ng isinasaad ng Batas Pambansa Bilang 22. Kung tutuusin, ginamit lamang bilang garantiya kay Lito ang kanyang tseke. Tama ba ang argumento ni Rica?
MALI. Ang Batas Pambansa Bilang 22 ay isang natatanging batas kung saan pinarurusahan ang paggamit ng mga tsekeng walang pondo. Ang layunin ng batas ay upang ipagbawal ang pag-ikot ng mga tsekeng walang silbi na nakasisira at nakakaapekto sa mga transaksiyon sa banko at sa lipunang ating ginagalawan.
Pinarurusahan ng batas ang paggamit ng mga “talbog na tseke” sa kahit ano pang dahilan, maging ito man ay kabayaran sa isang kasundunan, deposito, garantiya o kahit pa simpleng ebidensiya lamang ng pagkakautang.
Sa kaso ni Rica, responsibilidad lamang ng piskalya na patunayan na may sapat na basehan upang paniwalaan na lumabag siya sa batas. Hindi dito kundi sa husgado ang tamang lugar upang patunayan kung nagkasala siya. Hindi sapat na depensa na sabihin ni Rica ginamit lamang bilang garantiya ang mga tseke.
Sa paglilitis pa lamang niya mapapatunayan na talagang nabayaran na ni Rina ang halagang kanyang ginarantiyahan (Ricaforte vs. Jurado, G.R. 154438, September 5, 2007).