Niloko
MAY lahing Intsik ang mag-asawang Pete at Vicky. May apat silang anak. Nakatira sa condo. Matapos ang siyam na taon ng pagsasama ay iniwanan ni Vicky ang kanilang tahanan kasama ang apat na anak. Tumira siya sa condo ng kanyang mga magulang at nagsampa ng petisyon para sa legal separation nila ni Pete sa RTC dahil sa pisikal na pananakit nito, pagkakaroon ng kabit na ang pangalan ay Daisy at pagtatangka nito sa kanyang buhay. Hiningi niya ang permanenteng kustodiya sa mga bata, suporta sa kanila at paghahati ng mga napundar nilang ari-arian na ang halaga ay P5,000,000.00.
Itinanggi ni Pete ang mga akusasyon at ang palusot niya ay si Vicky raw ang nagtangkang atakihin siya ng ilang beses gamit ang isang kutsilyo. Ikinasal daw sila ayon sa tradisyon ng mga Intsik at sa huli na lang niya nadiskubre na sobrang selosa, sinakal at walang kumpiyansa sa sarili ang babae. Hindi raw dapat na bigyan ng suporta ang babae dahil inabandona nito ang kanilang apat na anak, wala rin daw kuwalipikasyon ang babae na maging administrador at hawakan ang pera ng kanilang pamilya na sangkatutak ang utang.
Nagsampa pa si Pete ng kontra reklamo para ipawa-lambisa ang kanilang kasal dahil sa psychological incapa-city dahil sa kawalan ng kakayahan ni Vicky na gampanan ang tungkulin bilang asawa. Bandang huli, binawi niya ang kontra reklamo dahil hindi na raw niya nais ituloy ang pagpapawalambisa sa kanilang kasal. Pinagbigyan ng korte ang mosyon ni Pete sa kabila ng pagtanggi ni Vicky.
Inabot ng 15 taon ang paglilitis sa kaso. Samantala, nagsampa ng petisyon sa ibang korte si Pete para ipawalang bisa ang kanilang kasal. Noon ay umalis na papunta sa Amerika si Vicky at hindi na alam kung saan ipapadala ang mga papeles na may kinalaman sa kaso dahil ang huling tirahan na nilagay ni Pete ay ang kanilang dating bahay. Katunayan nga ay napawalang-bisa na ang kanilang kasal pero walang natanggap na kopya ng desisyon si Vicky.
Samantala, sa kaso naman ni Vicky ay ibinasura ng RTC ang legal separation. Ayon pa sa korte ay pareho naman na may ginagawang kalokohan sina Pete at Vicky. Nambabae daw at sinaktan pa ni Pete ang misis samantalang inundayan naman siya ng kutsilyo ni Vicky at inabandona pa ang kanilang tahanan kasama ang mga anak. Wala na rin daw silbi ang petisyon ni Vicky dahil napawalang bisa na sa RTC ng ibang probinsiya ang kanilang kasal pati naging pinal na iyon.
Ayon kay Vicky ay wala siyang alam sa naging takbo ng kaso sa kabilang probinsiya kaya nagsampa siya ng petisyon para mapawalang-bisa ang desisyon nito. Hindi raw siya nasakop ng kapangyarihan ng korte dahil hindi naman napadala sa kanya ang abiso o summons tungkol sa kaso. Hindi rin daw siya nabigyan ng tamang pagdinig dahil nilo ni Pete ang korte at pinalabas na nasa Pilipinas ang tirahan niya kahit na alam nitong nagpunta na siya sa Amerika.
Pinagbigyan ng Court of Appeals ang petisyon ni Vicky. Alam daw ng lalaki na nasa Amerika si Vicky pero pinalabas pa rin nito sa petisyon na ang huling tirahan niya ay ang kanilang tahanan. Ang mosyon din na lalaki para bawiin ang kontra-reklamo niya sa pagpapawalang bisa ng kanilang kasal ay indikasyon na may masama siyang motibo sa pagsasampa ng kaso ng pagpapawalang bisa ng kanilang kasal sa ibang probinsiya. Nilabag ni Pete ang karapatan ni Vicky na makahalubilo sa korte alinsunod sa Saligang Batas dahil hindi nga siya nagkaroon ng pagkakataon na magkaroon ng partisipasyon sa pagdinig ng korte. Tama ba ang CA?
TAMA. ayon sa Supreme Court talagang napigilan si Vicky na magkaroon ng anumang partisipasyon sa pagdinig ng kaso sa pagpapawalaMbisa ng kanilang kasal dahil sa mga ginawa ni Pete. Sa kasong ito ay dapat na ipinadala sa ibang bansa ang abiso sa kaso dahil nga doon naninirahan si Vicky. Puwedeng 1) personal na ipadala; 2) ipalathala ang abiso o kaya ay iwan ang kopya nito sa huling tirahan ng kinakasuhan o kaya ay iwan sa korte o kaya ay; 3) ipadala sa kahit anong paraan na maisip ing huwes ay sapat na pagsunod sa patakaran.
Sa kaso ni Pete, alam alam niya na umalis sa kanilang bahay si Vicky at nagpalipat-lipat sa iba’t ibang lugar dahil sa sinampang kaso ng legal separation. Pareho ang mga partidong sangkot sa kaso ng paghihiwalay at sa kaso ng pagpapawalambisa ng kasal. Kaya pareho dapat ang nakasulat na tirahan o address. Si Pete ang mas nakaaalam na umalis na sa kanilang tahanan ang babae at hindi siya puwedeng magpatay malisya sa bagay na ito. Kaya’t hindi puwedeng sabihin na malinis pa ang kanyang hangarin sa pagtatago niya sa bagong tirahan o nilipatan ni Vicky.
Kapansin-pansin din na binawi ni Pete ang kanyang kontra reklamo bago siya nagsampa ng petisyon para mapawalambisa ang kanilang kasal sa ibang korte. Pinakikita nito na hindi malinis ang kanyang hangarin o wala siyang “good faith” ika nga. Hindi rin nga nakatira si Pete sa probinsiya kung saan isinampa niya ang petisyon. Kontra ito sa hinihingi ng batas (Section 4 A.M. 02 11-10 na nagdidikta na dapat ay isampa ang kaso sa lugar kung saan nakatira ang isa sa mag-asawa, anim na buwan bago pa sila nagsampa ng kaso.
Malinaw na panloloko ito at paglabag sa karapatan ni Vicky sa saligang batas. Dapat lang isantabi ang desisyon ng RTC dahil napatunayan na inagawan ng karapatan o pagkakataon ang isa sa kanila na makisali sa kaso dahil lang sa panloloko o pandaraya (Yu vs. Yu, G.R. 200072, June 20, 2016).
- Latest