Musika mo ipakalat sa outer space

Sa 1977 pelikulang “Close Encounters of the Third Kind”, ipinakita ang komunikasyon ng tao at extraterrestrials. Sa musika – limang nota – nagsimula ang pagtatagpo nila. Bakit musika? ‘Yon kasi ang pinakamataas na uri ng pagsaad ng tao ng damdamin at, sa palagay ng mga eksperto, pati ang aliens sa outer space. (Sa 1996 comedy “Mars Attacks!” musika rin ang sandata kontra sa mga manlulupig, pero pakwela lang.)

May plano na ipadala sa outer space ang pinagsamang awit ng milyon-milyong tao. Ito ang “Earthling Pro­ject­” ng Search for Extraterrestrial Intelligence sa California. Nananawagan ang SETI sa kahit sino kahit saan na sumali. I-download lang ang app mula sa “Earthling Pro­ject” website, umawit ng hanggang tatlong nais, tig-30 segundo lang, at isumite. Hindi kailangang sariling komposisyon. Maaring paboritong hele, taghoy, kundiman, rap, kantang pagsamba o selebrasyon o sayaw. Isasaplaka sa hindi nawawasak na disc. Isisiwalat sa kalawakan, kasama ang Wikipedia at Rosetta Project ng 1,500 wika. Ang unang 10,000 awit ay ilalabas bilang sample sa Hunyo.

Ang SETI ay may 42 radio telescopes sa bundok­ ng California. Nagmamanman ito sa kalawakan ng anu­mang komunikasyon mula sa ibang nilalang. Co-founder nito si astrophysicist Jill Tarter, na batayan ng karakter ni Jodie Foster sa 1997 pelikulang extraterrestrial “Contact”.

Katuwang sa “Earthling Project” si Mexican Felipe Perez Santiago, composer, manunula, at singer. Isang henyo, una siyang nag-compose sa edad-4. Inaral niya ang iba’t ibang uri ng musika sa iba’t ibang bansa.

Balak nina Tarter at Santiago maipaabot sa ibang nila­lang ang musika ng mga earthlings mula sinaunang panahon hanggang ngayon.

Dati nang nagpapadala ng pailan-ilang musika sa kalawakan. Ni-launch nu’ng 1977, 11 bilyong milya na mula sa daigdig ang dalawang Voyager space probes. Napapakinggan na kaya ng iba ang taglay na discs ng Peruvian panpipes, kanta ng Navajo, Bach, Beethoven, at iba pa?

Show comments