Teddy Boy dapat nang mag-resign

“Ako lang ang puwedeng magmura.” Iyan ang paalala ni President Duterte sa mga miyembro ng kanyang Gabinete. Ito ay matapos pagsabihan ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin ng “Get the F— out,” ang China patung­kol sa pamamalagi ng mga maritime militia nito sa West Philippine Sea.

Sa ganang akin, hindi masisisi si Locsin sa ginawa niya. Sandamakmak nang diplomatic protest ang iniharap­ ng Pilipinas laban sa pananaklaw ng China sa territorial waters ng Pilipinas. Ginawa lang ni Teddy Boy ang kanyang tungkulin. Walang epekto ang diplomatic protest. Nari­­riyan pa rin ang mga barko ng Intsik na tila pinapanigan pa mismo ni President Duterte.

Minsan, may limitasyon din ang diplomasya. Ang unang sumira sa patakarang pang-diplomasya ay ang China mismo: itinataboy nito ang ating mga kababayang mapayapang nangingisda sa bahagi ng karagatan sa loob ng ating exclusive economic zone. Pati sarili nating coast guards na nagpapatrulya sa karagatan ay dinuduro.

Walang mali sa pagpapakita ng galit ni Locsin kahit man lang unofficially sa pamamagitan ng kanyang twitter account. Kung tutuusin, ang Presidente ng bansa mismo ang dapat magpakita ng galit sa halip na kumampi pa sa pang-aabuso ng China na itinuturing niya best friend forever.

Nagpahayag na ng “sorry” si Locsin sa embahada ng China sa kanyang marahas na pananalita. Kung tunay at taos sa loob ni Locsin ang kanyang galit sa China, hindi na siya dapat nag-sorry kundi magbitiw na lang sa tungkulin matapos siyang hindi panigan ng Presidente sa kanyang ginawa.

Sa pagsaway sa kanya ng Presidente, Ibig sabihin hindi nagkakatugma ang kanilang paninindigan sa usapin sa China kaya dapat na siyang magbitiw.

Show comments