Pagluluksa sa panahon ng COVID-19 at 5 bahagi ng kalungkutan

Hindi biro ang sakit kapag nagpapaalam tayo sa ating pumanaw na mahal sa buhay. Kahit gaano pa natin ito paghandaan, mahirap ang mamatayan at hindi rin madali ang magluksa. Ito ay isang proseso, at kailangan natin ang lahat ng suporta na maaari nating makuha para malampasan ang hirap ng mawalan ng mahal sa buhay.

Dahil sa mga pagbabago na ating nararanasan dulot ng pandemya, isa sa mga pinakamahirap na adjustment ay kung paano malalampasan ang dalamhati at pagluluksa para sa mga namatayan.  Ngayon, dahil sa takot na makasagap ng COVID, nagdadalawang-isip tayong makipagkita sa mga kaibigan upang makiramay. Kung ang pasyenteng dinala sa ospital ay pumanaw dahil sa COVID, iba ang magiging protocol at ni hindi na makakapagpaalam pa ang mga pamilya at mahal sa buhay sa kanilang minamahal. Ni hindi mo makikita ang kanyang bangkay.  Hindi rin pinapayagan ang mga pagtitipon, kaya limitado ang puwedeng pumunta sa burol.

Pagpanaw sa gitna ng quarantine

Mula Marso 2020, mahigit 13,000 na ang namatay dahil sa pandemyang ito.  Marami ang hindi nakakapagpaalam nang maayos sa kanilang mga minamahal.  Ito ang nangyari kay Dr. Jerome Senen, asawa ni Dr. Kharen Abat-Senen, isang medical practitioner na namatay kamakailan sa COVID-19.  Ibinahagi ni Dr. Jerome ang kanilang kuwento sa aking online show na Pamilya Talk na pinamagatang, How to Process Grief in the Time of the Pandemic.

Kahit hindi direktang tumitingin ng pasyeteng may COVID-19, patuloy na ginampanan nina Dr. Jerome at Dr. Kharen ang kanilang mga responsibilidad --  nag-iikot sa mga ospital suot ang PPE habang nagsasagawa ng regular na clinic para sa kanilang pasyente. Si Dr. Jerome ay isang pediatric pulmonologist, habang si Dr. Kharen ay bihasa sa larangan ng neonatology.

Kahit ginawa nila ang lahat ng pag-iingat, nakuha ni Kharen ang virus, at nagpositibo noong Hunyo 2020. Na-admit siya sa PGH ng tatlong linggo, ngunit isang lingo matapos ma-discharge, bumalik ang kanyang mga sintomas at muli siyang na-admit sa loob ng 44 araw, bago siya tuluyang pumanaw noong Agosto 23, 2020.

Dahil sa kanyang kondisyon, hindi siya nabisita ng mga anak sa ospital at siya’y na-cremate bilang pagsunod sa umiiral na protocol.

Tulungan ang mga bata na makayanan ang kalungkutan

Naulila ni Dr. Kharen ang kanyang asawa, nanay at dalawang anak na edad 8 at 11.  Sabi ni Dr. Jerome, isa sa mga pinakamahirap na bagay na kinailangan niyang gawin ay ang sabihin sa kanilang mga anak na pumanaw na ang kanilang ina. Hindi naging madali, ngunit hinayaan niya ang kanilang mga anak na malayang ipahayag ang kanilang damdamin tungkol sa balita.

Ayon kay Dr. Jhezamine “Jex” R. De Leon, registered psychologist, guidance counselor, at psychometrician, isa sa mga pinakamainam na paraan para makayanan ng mga bata ang kalungkutan ay ang hayaan natin sila. “Maganda po yung ginawa ni Dr. Jerome, hinayaan nya yung mga bata na mag express ng nararamdaman nila,” sabi niya.  Idinagdag pa niya na kung hahayaan ang mga bata na magpahayag ng kanilang mga damdamin ay makatutulong ito para mas maunawaan kung paano sila masusuportahan at kung paano maipaliliwanag sa kanila ang kanilang pinagdaraanan.

5 bahagi ng kalungkutan

Ibinahagi rin ni Dr. Jex sa aming online show ang teorya na binuo ng psychiatrist na si Elisabeth Kubler-Ross ukol sa limang yugto ng dalamhati na maaaring maranasan ng isang tao matapos mawala ang isang mahal sa buhay.  Bagama’t hindi kailangang eksakto sa pagkakasunud-sunod ang stages na ito, naniniwala ang teorya na pinagdaraanan natin ang mga ito para makayanan natin ang pagkawala ng isang tao.

Pagtanggi (Denial):  Ito ang karaniwang unang bahagi ng kalungkutan.  Ito ay tumutulong sa atin upang mabawasan ang labis na sakit sa pagkawala ng ating mahal sa buhay. Sa pamamagitan nito’y mistulang bumabagal ang pagproseso natin sa mga pangyayari para mas maunawaan natin ito.

Galit (Anger):  Sa pag-adjust natin sa realidad, natural sa atin ang magalit ukol sa kasalukuyang sitwasyon. Minsan, napakarami lang ng kailangang i-proseso kaya ang galit ay nagsisilbi nating emotional outlet.

Bargaining:  Sa bargaining o negosasyon, madalas nating idini-direkta ang ating mga katanungan sa isang mas mataas na kapangyarihan.  Humihingi tayo ng mga dahilan kung bakit kailangan nating danasin ang sakit na ito. Sa sitwasyon ni Dr. Jerome, tinanong daw niya kung bakit ang kanyang asawa pa ang namatay , at kung bakit kailangan itong mangyari gayong marami pa silang plano sa buhay.

Depresyon at kalungkutan (Depression and loneliness):  Kapag lubos nating naunawaan na hindi na babalik ang ating mahal sa buhay, unti-unting pumapasok ang depresyon at kalungkutan sa mga maliliit na bagay na ating ginagawa sa araw-araw. Nagsisimula nating maramdaman ang pagkawala ng ating minamahal nang mas madalas, at habang nagsisimula nang humupa ang pagkabigla, mas tumitindi ang sakit na nararamdaman natin ang kanyang pagkawala.

Pagtanggap (Acceptance): Ito ang huling bahagi ng kalungkutan – kung saan tinatanggap na natin ang pagkawala ng isang tao. Mayroon pa ring sakit at makakaramdam pa rin tayo ng kalungkutan.  Ngunit ang paghinto natin sa paglaban sa katotohanan ay nakakatulong sa atin upang mas makayanan ang sitwasyon.

Ang pagdadalamhati sa panahon ng COVID-19 ay isang kakaiba at napakabigat na karanasan. Kung may kilala tayong dumaranas ng ganitong pighati ngayon, alalayan natin sila at maging maunawain tayo sa kanila dahil hindi biro ang kanilang pinagdaraanan.

Nais kong ibahagi ang tulang ito na nahanap ko online para kahit sa munting paraan ay makatulong ako para mapagaan ang sakit para sa mga naiwan.

Safely Home

I am home in heaven, dear ones;
Oh so happy and so bright!
There is perfect joy and beauty
In this everlasting light.
All the pain and grief is over,
Every restless tossing passed;
I am now at peace forever,
Safely home in heaven at last.
Did you wonder how I so calmly
Trod the valley of the shade?
Oh, but Jesus' love illumined
Every dark and fearful glade.
And he came himself to meet me
In that way so hard to tread;
And with Jesus' arm to lean on,
Could I have one doubt or dread?
Then you must not grieve so sorely,
For I love you dearly still;
Try to look beyond earth's shadows,
Pray to trust our Father's will.
There is work still waiting for you,
So you must not idly stand;
Do it now, while life remains,
You shall rest in Jesus' land.
When that work is all completed,
He will gently call you home;
Oh, the rapture of that meeting,
Oh, the joy to see you come!

--

Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa jingcastaneda21@gmail.com You can also follow my social media accounts:  Instagram, Facebook, Youtube, Twitter,  and Kumu.

Show comments